Tuesday, July 19, 2011

Tuesday, July 19 2011

11:42 PM: Dalawang gabi ako hindi nakapagtala. Noong linggo bukod sa tinamad ako, e wala kasing nangyaring kakaiba sa akin nug linggo dahil buong araw ay nakahiga lang ako at nagbabasa. Kahapon naman ay gabi na ko nakauwi at marami pa akong inasikasong gawain lalo na yung report ko sa Poitical Science na wala ring nangyari kanina kasi palpak daw ginawa namin. Malay ba namin kailangan detalyado e sa syllabus hindi naman nakalagay yun.Kapag nag-report ka sa kanya, kailangan lahat ilalahad mo. Kung ilalahad mo ang Storya ni Rizal, dapat kasama din ang talambuhay ng kanyang nanay, tatay, mga kapatid, at pati mga alalay. Ang biis ng araw at hindi ko akalain na miyerkules na pala bukas at ika-bente na ng Hulyo. Hinahatak na kame papalayo sa aming panahon ng kabataan at papalapit na kame sa mga kakailanganin namin sa bawat asignatura.

Nasaan na ba ako?
Kung naiiklian ka dito, magbasa ka na lang ng ibang artikulo muna dahil pagod ako...

Saturday, July 16, 2011

Saturday, July 16 2011

9:16 PM: Ang saya ng buhay ko kapag sabado ng gabi dahil ito lang ang araw sa isang linggo upang ako ay magpahinga at para gawin ko na rin ang kahit anong gusto ko pero hindi literal sapagkat hindi naman ako genie. Nilamon nanaman ng Law subject ko ang aking kalooban dahil para nanaman akong nasa purgatoryo kanina.

Mga ilang minuto lang ang nakalipas ay umulan dito sa amin. Hindi ko alam kung umulan din sa ibang lugar basta ako ay nabigla dahil walang senyales na uulan kanina pag-uwi ko. Mas maganda kung umulan para lumamig naman ang singaw at para masarap ang tulog ko mamaya. Hindi ako nasanay na matulog sa tanghali noong bata ako dahil gusto ko ay parating may ginagawa makabuluhan man o hindi kaya't kapag ako ay natulog sa gabi, kulang ang bosina ng trak para magising ako. Hanggang ngayon ay hindi ako natutulog sa tanghali maliban na lang kapag ako ay may sakit, kulang sa tulog, inlove para mapanaginipan ko yung...., at kapag wala na talagang gagawin. Hindi ko talaga hilig ang matulog at natutulog lang talaga ako kapag kailangan lang pero mas gusto kong magbasa ng mga artikulo, maglaro ng video games, makipagkwentuham, manood ng pelikula, at tumulala. Naasar pa ko sa mga sabi sabi noon na "Matulog ka para lumaki ka", kung totoo man ang nasabing paniniwala ay sana 3'3 lang ang height ko ngayon. Katamtaman lang naman ang tangkad ko; Hindi matangkad at hindi rin pandak. Siguro kung palagi akong mananaginip kada matutulog ako, siguro pwede ko itong gawing hobby.

Nasaan na ba ako?
Panonoorin ko ang pelikula ni Jackie Chan na Dragon's Forever maya maya lang. Hinihintay ko lang matapos ang tatay ko sa pinapanood niya.

Friday, July 15, 2011

Friday, July 15 2011

11:06PM: Kung may nagbabasa man nito, patawad na lang kung hindi ako nakapagtala kahapon dahil sumakit ang malaki kong ulo kahapon na kasing sakit ng karanasan ko sa huli kong pag-ibig. Masyaya naman ako kasi hindi natuloy ang mga pagsusulit namin kanina. Hindi naging mabigat ang araw ko ngayon kaya't eto ako ngayon at nagpapahinga lang kasabay ng pakikinig ng Loving you na binigyang buhay ni Nina. Nagkaroon ako kahapon ng kakaibang pakiramdam. Wala na akong pakialam kung pagtawanan niyo pa ako. Ganito kasi ang nangyari, kahapon bago matulog ay naginternet muna ako. Sa hindi ko malamang dahilan, mukhang nag-hanay ang walong planeta sa Solar System at nagdulot ito ng kakaibang pakiramdam na para bang may iniibig ako. Nakakaramdam ako ng kilig at para bang "in love" ako kahit hindi naman dapat dahil wala naman akong natitipuang babae sa ngayon. Gusto ko na nga sana magpatingin sa Albularyo o kaya naman sa mga taong tumatawag ng multo. Kakaiba! pakiramdam ko ako ay naging bida sa isang horror film na nagkagusto daw sa akin ang isang Tikbalang at kailangan ko makuha ang mahiwagang crystal na kulay "Pink" sa kaharian ng Macademya upang matanggal ang sumpa sa akin pero bago ako makarating doon ay kailangan ko muna harapin ang pitong pantas na nagdudulot ng salot sa buong baryo ng Mungalaw.
   Bago pa dumating ang imahinasyon ko sa ibang bagay na hindi kaaya-aya, hindi ko pa pala nakakaisado yung mga dapat kabisaduhin na Seksyon sa aming LAW02 subject. Magpapahinga lang ako at baka matulog na ko at gigising na lang ako ng maaga bukas..

Nasaan na ba ako?
Nagugutom ako at kailangan ko ng hamburger with egg. Gusto ko bumili sa labas pero pagod na ko at baka mahaba ang pila. Sarado na ang tindahan para bumili ako ng noodles. Haaay.. magpapakabusog na lang ako sa mga babasahin.

Wednesday, July 13, 2011

Wednesday, July 13 2011

11:26PM: Kakakain ko lang ng Cornetto Hazelnut Flavor at ibang lasap ang aking nadarama. Bakit pa kaya gumagamit ng illegal na droga ang ibang tao kung mayroon namang bagay na pwedeng pag-adikan na hindi ipinagbabawal? Pero sabi ng ibang kakilala ko ay kakaiba raw talaga ang tama ng mga yon pero Wag na lang! salamat na lang! ayaw ko sumubok.
Hindi lang naging maganda ang huling klase namin kanina dahil sa mga punyetang kaklase ko na hindi nakikinig at nangugulo ng ibang nakikinig. Nagalit tuloy ang prof ko sa Literature ng\a laging nagdidiscuss lagi ng "sex". Kakaiba siya kanina kasi parang gusto na niya idiscuss ay Sexual Violence! Hindi naman siya sumisigaw at bumubuga ng apoy pero nasindak din kami dahil nag-iba ang simoy sa loob ng silid.
Habang papauwi ako kanina ay nakasakay ako kanina sa "Formula One" na jeep. Sa sobrang bilis, pati mga ala-ala at kaluluwa ko ay naiwan sa Santolan. Nagmistulang Hangin ng aircon ang humahampas as mukha ko at parang hindi Diesel ang ginagamit na gasolina kung hindi ay High Octane. 10:14 pm ang oras noong umalis kame sa doon at nakarating na kame dito sa Antipolo ng 10:30 pm. Kung mababasa ko ang mga isip ng pasahero, siguro puro "Ama Namin" lang ang maririnig ko o kung hindi man ay baka puro mura. Ito yung mga tipo ng jeep na kapag hindi ka kumapit, sa amubulansya agad ang lipat mo. Ayos sakin ang mabilis na biyahe pero di ko naman pinagarap na makasakay sa mga sasakyan sa "Need for Speed" o "Burnout". Gusto pa niya yatang matalo ang record ni Schumacher. Hindi ba niya alam na kilala na ang Antipolo sa mga jeep na mabilis lang si The Flash ng 3 miles per hour?

Nasaan na ba ako?
Ang dami kong aasikasuhin. Buti na lang talaga at may Cornetto. Bukas babawi ako ng pahinga. Panonoorin ko ang 2nd part ng "Dollars Trilogy" ni Clint Eastwood.

Tuesday, July 12, 2011

Tuesday, July 12 2011

11:39PM: Nasaksihan ko nanaman ang isang ebidensiya na mas maganda talaga ang mga gawang pelikula noon at pinatunayan ito sakin ni Clint Eastwood sa pelikula niyang "A Fistfull of Dollars". Naaliw ako sa pelikula kaya late na ko dito. Kagabi ay hirap na hirap akong matulog. Hindi ko alam kung bakit. Wala naman akong ginawang kakaiba para hindi makatulog maliban na lang sa pag-bababasa ng mga lumang artikulo tungkol sa mga lumang pelikula at pag-sabi kung bagay ba o hindi ang mga damit ng mga kababaihan sa Tumb1r. Basta nahirapan akong makatulog kagabi. Ngayon, mukhang mauulit nanaman kasi nilantakan ko yung isang lata ng Century Tuna : Spicy Flaovor na binili ko kanina. Parang may naglalaban sina Human Torch, Itachi Uchiha, at isang Hungarian Horntail na dragon sa tiyan ko. Sana naman makatulog ako, siguro naman sapat na yung pagod ko kanina para bumagsak ako sa kama at isa pa nagkakahalo halo na ang "stress" ko sa mga prof ko.
Isa na lang sa nagpapatanggal ng stress ko ay ang panonood ng mga pelikula kaya halos mamuti ang buong buhok ng nanay ko sa bagal ng internet at hindi niya maani ang mga tanim niya sa Farmville dahil lagi akong nagdodownload (naka router kase) ng mga lumang pelikula na hindi mabibili sa suking tindahan ng DIBIDI at isa pa ay hinuhuli na sila ngayon kaya nasimot ang tindahan ng DIBIDI sa Quiapo. Kaso, yun ang akala nila! Hindi nila mapipigil ang pagtitindi nila ng DIBIDI dahil talamak din ang mga taong bumibili nito. Pangarap ko rin maging isang manunulat lalo na sa larangan ng "love story". Kung baket yun ang pumasok sa kokote ko eh hindi ko mawarian basta sabi sakin ng sarili ko, yung daw ang gusto ko. Aaminin kong tumatangkilik ako ng piratang DIBIDI kaya madalas kong isipin wag na lang pala akong magsulat.

Nasaan na ba ako?
Gumamit ng Great Fire Ball Jutsu si Itachi sa tiyan ko..

Monday, July 11, 2011

Monday, July 11, 2011

9:10 PM: Napahinga ako ngayon dahil wala kaming pasok. Ang sarap talaga sa pakiramdam kapag walang pasok tapos kasunod pa ng Linggo. "Long Weekend" nga kung tawagin. Nilaan ko lang ang araw na ito sa aking sarili at sa mga takdang aralin na nakakatamad gawin. Para sa akin, ginawa ang Takdang Aralin para sa mga guro na walang tiwala sa kanilang mga studyante kasi kung may tiwala sila sa atin, sasabihin na lang nila na magbasa tayo. Hindi ko lang kasi makuha ang silbi na kailangan pa isulat o iprint yung mga sagot sa tanong nila. Kasabay ng pagtype ko nito ay nakapatay pa ko ng lamok na may kasama pang dugo. Baka Dugo ko pa to. Panonoorin ko sana kanina ang "A Fistful of dollars" trilogy kanina ni Clint Eastwood pero pineste ako ng mga takdang aralin na walang silbi.
Nauso ang isang trend sa Twitter kanina na "in my pants". Mag-iisip ka ng pelikula tapos dudugtungan mo sa huli ng "in my pants" at kapag gumulong ka sa sahig kakatawa dahil sa naisip mo at nagmukha kang tanga, itweet mo lang. Dahil ako ay mahilig manood ng pelikula, ang dami kong naisip. Ang saya ko lang dahil natuwa ako sa mliit na bagay. Ito ang aking Twitter page kung gusto ko aksayahin ang oras niyo sakin gaya ng pagaksaya niyo sa pag-basa ng blog ko. http://twitter.com/#!/kevindieselmax.
Pumunta ako kanina sa gym para parusahan ang sarili ko sa pag-papalaki ng likod at pagpapatigas ng Triceps. Malamig ang panahon kaya naisipan kong magpapawis tutal wala namang saysay ang ginagawa ko kanina dito sa bahay.

Nasaan na ba ako?
Kapag walang pasok, walang silbi ang buhay ko.

Sunday, July 10, 2011

Sunday, July 10 2011

10:56 pm : Walang Tala kahapon kasi bigla akong tinamad at isa pa wala namang kakaibang nangyari sakin kahapon. Sa totoo lang, ngayon nga rin walang saysay ang araw ko sapagkat wala kaming pasok bukas. Pinanood ko lang naman ang pelikula kanina ni Jack Nicholson na may pamagat na "One flew over the Cuckoo's Nest". Kung hindi niyo alam ang nasabing pelikula, itanong niyo sa mga tatay at lolo niyo dahil ipinalabas ito noong 1975 pa. Ngayon, lalaiitin lang ako ng mga walang silbing tao dahil ang mga pinapanuod kong mga pelikula ay yung mga panahong hindi pa ako ipinapanganak. Palibhasa kasi mga bobo kayo kasi hindi niyo maiintindihan ang mga pelikulang luma kasi ito yung mga palabas na may magagandang mensahe at masasabing may kalidad. Manonood ka ng mga gawang pelikula ngayon na binubudburan lang ng CG effects kahit pangit ang storya at arte ng mga artista, maganda na sa mga paniningin ng mga mangmang na tao. Sa sine pa manonood eh magkano ang pinakamurang Sine ngayon? Mura na ang 100 piso. Problema kasi sa mga tao ngayon eh nakikiuso lang. Kung ano yung uso tapos kahit hindi mo naman gusto, ipipilit mo yung sarili mo dun at pagkatapos, uso ka na! "Cool" ka na!  Pogi ka na! May "Class" ka na. LECHE!!! bakit ko ipipilit ang sarili ko sa hindi ko gusto? Mabuti na maging baduy kaysa mapilitan lang sa mga bagay na hindi ko naman hilig lalo pa na karamihan ng mga nauuso ngayon eh yung mga nakaka-bobo.
         Hindi ko naman sinasabing lahat ng may CG effects at mga pelikula ngayon ay mga katulad ng mga taong walang utak na nakiki-uso. Nandito parin naman si Michael Bay tabi ko na tuloy parin sa kanyang talento tulad ng Transformers at Avatar. Dahil sa Avatar, natalo niya ang sarili niyang record sa Titanic. Ganoon siya kalupet. Kahit karamihan ng mga pelikula ngayon ay inilalagay sa basurahan na may nakalagay na "BIODEGRADABLE", may mga mangilan ngilan parin naman na maayos. Sabihin man sakin ng mga tao "Eh ang arte mo naman! pelikula lang yan eh! kailangan pang kilatasin ng mabuti. Ano ka nag-fefeeling critic?", E maarte ako eh! gusto ko yung sulit sa bayad! Hindi ako maluhong tao at gusto kong iaalay ang pera ko sa mga bagay na importante. Luho man ang pelikula, binabayaran ko yung saya na iniiwan sakin ng pelikula at yung mga mensahe nila na hindi ko malilimutan.

Nasaan na ba ako?
Dalawang Oisihi Prawn Crackers: Spicy Flavor ang naubos ko. Grade 3 pa lang ako e lumalantak na ko nito.
     

Friday, July 8, 2011

Friday, July 8 2011

11:21 PM: Ako ay nasa impluwensiya ng alak kaya wag na lang kayo magugulat kung sakali man sa mga ilalagay ko ( pero hindi ako lasing). Kinailangan namin magsuot ng pormal o "corporate attire" kanina kaya ako ay namroblema kanina sapagkat ayaw ko talaga tumahak sa biyahe ng ganon. Ang init kasi. Naiirita lang naman ako. Buti na lang ay hindi maaraw kanina at malamig ang singaw kaya't nagmistulang aircon ang hangin na humahampas sa aking tainga mula sa bintana ng jeep. Hindi lang naging maganda ang pagpasok ko sa kanina, kung ano man ang nangyari ay hindi ko na lang sasabihin at baka mabalitaan niyo na lang na may sunog sa Mendiola. Maulan nanaman at nagdulot ito ng onting pagbaha sa loob ng paaralan namin. Paiikliin ko muna ang aking tala dahil pansin kong hindi na tuwid ang aking pag-iisip. Humihina na ang aking pandinig at inaantok na rin ako.

Nasaan na ba ako?
Law nanaman bukas! tatlong oras nanaman ng pagkabagot. Makikipaglaban nanaman ako bukas kay Nina Williams na bumubuga ng apoy. Kung pwede lang ang GameShark.

Thursday, July 7, 2011

Thursday, July 7 2011

11:14 PM: Ngayon ang kaarawan ko. Hindi ko alam kung dapat ba ko matuwa dahil nga Kaarawan ko o kung dapat ba ako malungkot dahil ako ay nasa ganap na edad na para malampasan ang pagiging binata. Dalawamput taon na akong humihinga ng maruruming hangin, kumakain ng pagkaing siksik sa preservatives, at tumitira sa isang planeta na kung saan mas lamang ang dami ng mga sakim na tao. Isang bagay lang ang ikinatutuwa ko ; dahil ako ay tumatanda, nangangahulugan lamang ito na hindi ako namatay ng bata. Maganda parin tumanda dahil maganda na maranasan mo ang sarap ng buhay. Kapag hindi nag-babago o tumatanda, hindi buhay yun. Parang fishball. Hindi nagbabago at hindi nag-mamahal. Nandito ako ngayon sa kwarto at umiinom ng Tanduay Ice. Hindi muna ako mag-hahanda ng marangya. Gusto ko muna mag-isa at mapagbulay-bulay ko ang mga nangyari sakin nitong nakaraang 20 taon.
     Kanina habang ako ay papauwi (parati na lamang ako mayroong kwento kapag bumabyahe.), nakatabi ko ang isang kolehiyalang binibini na naglalaro sa cellphone niya ng isang "puzzle" game. Mejo walang saysay ang naging araw ko sa klase kaya't naghanap ako ng mapapagtuunan ng pansin. Nakita ko siya na hindi niya matapos ang level na nilalaru niya. Hindi ko alam kung maawa ako o matatawa ako dahil asar na asar na siya at hindi siya makalagpas. Kung maganda ba yung babae eh hindi ko na tinignan dahil hindi naman ako interisadong magpakilala at natuwa lang ako sa kabiguan niya na gusto niya na sanang i reverse layup yung phone niya sa bintana nung jeep. Pag-katapos noong hindi niya na talaga kaya, tinago niya na yung phone niya at sinubukan niyang matulog. Puyat ata siya kagabi at mukhang may hang-over pa kaya lahat ata ng posisyon ng pagtulog e ginawa na iya ngunit hindi siya nakatulog. Hindi naman sa pinagtatawanan ko siya ngunit, natutuwa lamang ako dahil bakas sa kanya ang emosyong nararamdaman niya. Ako naman eh hindi nakakatulog sa biyahe. Ginawa ko na rin ang lahat: nakasandal, nakayuko, nakadapa, nakatihaya, at nakahiga pero hindi talaga ako sinasapian ng tulog kapag nasa biyahe kahit puyat. Siguro magandang gawain na rin ito para maiwasan ang matinding aksidente kung sakali mang magkprobelma. Malapit na mag alas dose at matatapos na ang aking kaarawan ngunit hindi na uurong ang edad ko.

Nasaan na ba ako?
Ang bilis ng internet namin.. magdodownload lang ako ah.. Nagpapaka lunod ako sa T-Ice.. hehe.

Wednesday, July 6, 2011

Wednesday, July 6, 2011

11:11PM: Masaya nanaman ang simula ng araw ko sa sapagkat mga 90's songs nanaman ang tugtog sa nasakyan kong jeep. Napapakanta ako ng "I know that I can't take no more It ain't no lie. I wanna see you out that door baby bye bye bye!". Masaya din ako kanina sa Economics class dahil kalahati ng klase ay nagkwentuhan lang kame. Masaya ako dahil maaga kame pinauwi ng guro ko sa Philippine Literature. Masaya ako dahil kakadownload ko lang ng "Tell me your wish - SNSD" na mp3 kahit matagal ng nilabas yun. Bakit kaya masaya ako ngayon?
        Sinubukan kong gawin ang pagsasanay ko sa Economics kanina sa bakanteng oras ko. Pinili ko ang silid-aklatan kasama ang isa kong kamag-aral na gusto namang magaral para sa pagsusulit namin bukas. Tahimik siyempre kaso nga lang tumagal lamang ito ng limang minuto. Biglang naging Divisoria ang Library! Hinanap ko ang librarian at ang mga sumasaway. Wala silang ginagawa! Ano ang nangyari?? Samantalang noong Unang taon ko doon ay naririnig ang bulong ko na may .000023231 decibel at kulang na lang ay isaksak sa akin yung meter stick kapag ang boses ko ay umabot ng .0001 decibel. Wala ng mahahanap na katahimikan. Kung may dala akong pang-ahit kanina, baka magkaroon ng Red Sea sa Pilpinas. Baka pati yung mga librarian ay napatay ko rin. Bigla pati nawala yung binabasa kong libro doon kahapon tungkol sa tagumpay ng isang tao (nalimutan ko pangalan basta mayaman na siya) . Hindi ko alam kung may nanghiram o may isang pasyente ng mental na kinuha yon tapos inilagay sa "Chemistry Section".
     Umuulan ulan nanaman at kasalukuyang umaasa ang mga mag-aaral na lumakas pa ito hanggang sa marinig ang boses ng "PAGASA". Pag-asa na sasabihin sayo ng nanay mo "Anak wala daw pasok sabi sa TV". Yung tipong ang aga mo gumising tapos matutulog ka na lang ulit. Wala ng mas sasarap pa sa pakiramdam na yon. Masaya nga ang ganoon basta wag lang mawawalan ng internet.

Nasaan na ba ako? 
Dalawamput apat na minuto na lamang at papasok na ko sa edad na Dalawampu at iiwan ko na ang aking pagkabinatilyo. Pero sisiguraduhin ko na mananatili ang isip ko sa pagiging isip-bata.

Tuesday, July 5, 2011

Tuesday, July 5, 2011

11:27PM: Gusto ko na sana patikimin ng "Dragon Fist" ang monitor ko kagabi dahil sa sobrang bagal ng internet sanhi kung bakit hindi ako nakapag-lagay ng tala kagabi. Marami pa naman akong gusto ilahad kahapon pero ayaw ko na lang pag-usapan dahil sinabayan din kahapon ng sira ng "keyboard" sa desktop ko. Kaialangan pang  pukpukin ng martilyo ang space bar para gumana. Kung hindi ang magagalit tatay ko baka hinampas ko na din yung mismong keyboard sa ulo ko.
    Kapapanood ko lang ng isang 1963 na pelikula na dinownload ko noong isa pang araw na may pamagat na "It's a mad mad mad mad world". Hindi ko kilala ang mga artista pero naaliw naman ako dito dahil kahit papaano ay may higit na laman naman ito kung ikukumpara sa mga palabas ngayon ngunit nakakasiguro akong hindi maantig ang mga manonood na bata sa kasalukuyang panahon. Ayaw ko na sabihin yung buod dahil mas maganda kung panonoorin niyo. Natuwa naman ako dahil umiikot ang istorya nito sa kasakiman pero nauuri ang pelikula sa komedya.
   Binanatan kame ng dalawang pagsusulit kanina at buti na lang at hindi ako sinapian ng kamaran at nakapag aral pa ko sa bakanteng oras ko. Kailangan ko matulog na dahil maaga pa ko gigising bukas para sa isang malawakang hersisiyo.

Nasaan na ba ako?
Naghahanap pa ako ng mga pelikulang luma. Nahihilig ako sa mga ito.

Sunday, July 3, 2011

Sunday, July 3, 2011

9:28 pm: Hindi ako nakapag tala kahapon dahil nagkasiyahan kame kagabe ng mahal kong mga kaibigan. Kahapon ang katangi tanging asignatura namin na Law on Negotiable Instruments na pinapasukan namin isang beses sa isang linggo at tatlong oras pa. Mapapansin mo na hindi pumapabor samin ang kasiyahan tuwing sabado. Kung nabasa mo ang post ko kung saan nilarawan ko ang aking mga guro, ang guro namin sa Law02 ay maihahalintulad kina Lara Croft, Sarah ng Chuck, Nina Wiliams ng Tekken, at ang tatlong Charlie's Angels. Femme Fatale kung tawagin siya sa Ingles. Ngunit kahapon, hindi naman niya inilabas ang buong kapangyarihan niya. Handa na sana ako na makipagespadahan sa babaeng bumubuga ng apoy pagpasok ko ng silid. Yung tatlong oras na iyon ay bigla kong naranasan kung ano ang pakiramdam ng nasa purgatoryo. Ang tagal kumilos ng oras at parang mamatay na ko dahil sa dami ng batas na itinutoro. Tatlong seksyon palang ng batas eh parang may brain cancer na ko. Hindi ko naman ginusto maging abogado. Bagamat mahilig ako sa debate at malalaim na diskusyon, isa sa pinaka ayaw kong larangan ay ang pagiging abogado. Bukod sa hindi ko kayang magkabisa ng mga batas, nakasalalay sa kliente mo kung masama o mabuti ang gagawin mo. Kung manlilinlang ang magbabayad sayo, wala kang magagawa. Ayaw ko kasing nadidiktahan ako sa gagawin ko lalo pa yung babayaran ako para magsinungaling at mang daya. At isa pa, ayaw ko talaga yung pagkakbisado kasi hindi ako kabisote. Mas gusto ko ang aspekto ng lohika at matematika.

   Buti na lang at hindi ako nagkahangover kanina pero buong araw ay parang nanghihina ang buong katawan ko. Para bang naglalaro parin ang mga alak na ininom ko kagabi sa buong katawan ko pero hindi naman ako sobrang lasing kagabi dahil nakauwi naman ako ng maayos. Pinanood ko ang Pelikulang "Office Space" kanina na ipinalabas noong 90's. Kahit si Jennifer Aniston lang ang kilala kong artista, maganda ang nasabing pelikula kung ihahalintuald ko sila sa mga pelikula ngayon. Wala na yung sangkap ng mga pelikula dati sa mga pelikula ngayon kaya masaya ako na ipinaganak ako ng 90's dahil masasbi ko na ito ang pinakamasaya at pinakamagandang dekada. Naawa na nga ako sa mga batang ipinapanganak ngayon dahil hindi nila naransan ang mga naranasan ko. Namulat na lang sila sa IPhone, DSL, Facebook, CG movie effects, Playstation Vita, at Ebooks. Mas masaya noon na maabutan mo ang mga analog na cellphones, yung pwede maging deadly weapon tapos kapag pumasok ka sa grocery store, pakikiusapan ka nila na iwan mo yun sa "baggage counter" sa sobrang laki, yung mga Dial-Up na internet na matatapos ang loading kapag nabasa mo na ang 1-100 pages ng Deathly Hollows, ang Friendster, ang Stop-motion movies, Family Computer at mga makatotohanang libro.
    Hindi nga ako nasasabik sa bagong "Transformers" movie dahil nung una pa lang, nadismaya na ako na kulang ang tropa nila. Mas gusto ko pa yung lumang cartoons dahil para silang Super Friends sa sobrang dami. Nasaan si WheelJack? Si Spike? Si Soundwave pati yung aso at agila niya? Nasaan na yung kahambugan ni StarScream na kung saan lagi niyang tinatraydor si Megatron? Si HotRod? At bakit isang piraso lang ang Energon Cube?? Nanonood na lang ako nito dahil sikat ito kumbaga nakiki-"in" ako pero sa mata ng iba "out" pa rin. Ano ba ang kahulugan mo ng "in"? Yung uso at sikat?? Kung pagiging tanga ang in at kung mapipilitan lang ako gustuhin yung ayaw ko talaga, e magpapaka "out" na lang ako! Okay na maging baduy kaysa tanga! Okay na maging Laos kaysa naman maging karaniwan. Kung pagiging bago lamang ang pinagbabasehan ng mga bagay-bagay, pagtiyatiyagaan ko na yung mga luma pero matibay kaysa sa mga bago  na ilang buwan lang e laos na!


Nasaan na ba ako?
Nakikinig ng "Damn it feels good to be a gangsta" ng Geto Boys. Masarap pakinggan ang rap nila kaysa sa mga rap ngayon. Pakinggan niyo rin. 1992 pa yan. Malakas talaga ang 90s. Kung may time machine ako, babalik ako sa mga panahong yun.

Friday, July 1, 2011

Friday, July 1, 2011

9:43 PM: July na! ang bilis ng panahon! yun nga lang sobrang sakit ng ulo ko ngayon.. Siguro sa Linggo na ko magpopost sapagkat aalis din ako bukas ng gabi.

Nasaan na ba ako?
Nasa kama..

Thursday, June 30, 2011

Thursday, June 30, 2011

10:41 PM: Ako ay nahaharap sa malagim na kinabukasan sapagkat halos lahat ng aking asignatura ay may pagsusulit (Lumelevel up sa tagalog!! asignatura! kinabog ako sa sarili ko). Bakit kailangang sabay sabay silang lahat? Pwede bang isa-isa lang? Hindi ba nila alam na may kapasidad din ang utak ng tao sa pag-reserba ng impomasyon? Alam kong mali ang rason ko sapagkat sa mga guro, palagi naman akong mali kahit hindi ngunit kapag ikaw ang naghahabol sa kanila ng resulta sa mga pagsusulit ay parating nilang sambit "Eh kasi madami pa akong section na tinuturuan kaya marami akong chinecheck. Busy kasi ako nitong weekend kasi nakipaglandian pa ko tapos naginuman kame and then hangover kinabukasan. Siyempre nagpahinga naman ako diba? pero nag-parebond ako. Sa next sem ko na ibibigay yung result ng Quiz#1 niyo ha." Ang galing diba? Oo nga naman busy sila. Hindi tama ang dahilan natin na sabay sabay ang mga proyekto, takdang aralin, graded recitation, at Praktikale exam. Eh ano naman kung siyam ang asignatura natin e sila 5 section ang tinuturuan nila tapos lahay yon pare-pareho lang din ng asignatura.

Hindi pa umaabot ang orasan ng hating gabi pero nilalantakan ko ang hamburger ko na dapat midnight snack. Minsan hindi ko na lang masabi talaga kung gutom ako o kung wala lang talagang magawa. Marami naman siguro na nakararanas na kapag walang magawa, e bubuksan ang ref na amoy grocery store at kukuha ng kahit ano basta makakain at mapapapak. Tapos magrereklamo na ang taba taba nila. Anak ng Tinapay!
Dito papasok ang mga handak na kimiko para gumawa ng lahat ng klase ng pampapayat tulad ng mga gamot, sabon, injectables,mga inuming may "L-Carnivore", at samut saring lason na wala rin namang silbi sapagkat ang dami kong nakikitang mga mapapalad sa yaman na gustong pumayat pero heavyweight pa rin.
Kung gusto mo daw pumayat, kakain ka dapat ng kada 3 oras pero hindi ibig sabihin noon ay Piyesta din para sayo kada tatlong oras. Kasama na ang Almusal, tanghalian, at hapunan, kakain ka sa bawat tatlong oras ng magagaan na pagkain tulad ng Biskwit o kahit anung meryend para bumilis ang metabolismo ng tiyan mo. Siyempre napakaimportante na samahan ito ng tamang hersisyo dahil kung hindi mo gagawin yon, para ka na ding nagdarasal na manalo sa lotto pero hindi ka tumataya. Dinadaan lang kayo sa mga before and after tapos minsan sasamahan pa ng artista. Naalala ko tuloy yung Papaya Soap na inadvertise ni Kris Aquino. Bakit siya ang inadvertise e sadyang maputi na siya? Parang nagadvertise si Rufa Mae Quinto ng pampalaki ng dib-dib. Kung gagawa sila ng whitening soap, ipasubok dapat nila sa mga yung mga morena tulad nila Venus Raj o kaya naman sa mga sobrang itim tulad ni Norman Black  at pagkatapos non ay saka nila isabog yung mga 1 million Pesos per second nila sa mga  advertisment sa TV. Kapag pumuti si Norman Black tulad ng pagkakaputi ni  Voldemort, sige bibili ako ng Papaya Soap yan.

Nasaan na ba ako?


Maya maya ay matutulog na rin ako. Mag-aral muna siguro ako ng onti para may masagot naman ako sa quiz ko bukas kahit mga 14 lang over 50.

Wednesday, June 29, 2011

Wednesday, June 29, 2011

11:24 PM: Tapos na rin ang OJT ko kanina lang. Nagdrama na ko kagabi kaya tama na. Kanina binasa ko sa Daily Inquirer na inpinamalas ng Tsina ang kanilang tren na humaharurot ng 300 milya kada oras, kasing bilis ng tren ng Japan. Mukhang hindi ito kayang patigilin ng pinagsamang lakas nila Optimus Prime at Megatron. Baka hindi ko pa nalulunok ang Bonamin ko ay nandoon na ko sa paroroonan ko.  Hindi ko alam kung saan ang mga istasyon pero kung may istasyon sa Guangzhou, madali na sila makakapagtarabaho sa mga sentrong lugar tulad ng Beijing at Shanghai. Kung ihahalintulad ang layo noon sa Pilipinas, parang Bicol hanggang Manila siguro. Kung ganoon man, mapapadali lalo ang buhay ng mga taga probinsya. Imbis na "Luluwas ako ng Maynila", magiging "Pare, gigimick ako sa Maynila sama ka?" dahil sa bilis ng biyahe. Hindi ko naman pinapangarap na mangyari yun sa Pilipinas dahil para ko na ring sinabi na hindi magiging corrupt ang mga politiko. Ang taas na pangarap na yoon at mas mataas pa sa mga pangarap ng mga hinayupak na mambabatas. Isa pa, lalong lalaki ang utang ng Pilipinas.

Late na kame pinalabas ng professor namin sa Philippine Literature kaya't nag-lakad ako ng gabi sa kalsada papauwi na madalas ko namang ginagawa. Hindi na ako magugulat kung may bumulong man sa akin kasama ng mabahong hininga ang mga salitang "HOLDAP!!". Sa totoo lang, hindi naman talamak ang mga krimen dito sa Antipolo ngunit siyempre marami paring sakim dito na nagbabaitbaitan kaya kailangan paring magingat. Pagod ulit ako ngayon kaya hanggang dito na lang siguro muna.

Nasaan na ba ako?


Maraming project na iniisip. Sinisimulan na nila ko. Mahirap pa sa stage ng Pac-man na wala ng power pellets. Malala pa sa bangungot ko. Masakit pa sa kirot na nadarama ko noong umiibig paako.

Tuesday, June 28, 2011

Tuesday, June 28, 2011

9:35 pm:  Pagod na pagod ako at hindi ko malaman kung bakit. Kanina pang umaga, parang wala akong buhay. Yung potential energy ko, ayaw maging Kinetic energy pero sapat naman ang tulog ko kagabi. Siguro hindi ko lang talaga araw ngayon at siguro minsan talaga ay hindi ko katulad yung dalawang lalaking nasa patalastas ng enervon na sumayaw para lang sumingit. Pakiramdam ko lumakas ang gravity dito sa daigdig at parang may dala akong malaking kampana sa likod ko. Siguro kapag tumayo ako ng 30 na segundo ng walang ginagawa, matutulog ako. Ito talaga paiiksiin ko lang ang post ko.

Huling araw ko na sa OJT bukas at kahit parang lantang talong ako dito, mamimiss ko din sigurado ang opisina. Mamimiss ko rin ang mabilis at sunod sunod na tunog ng keyboard sa paligid ko; Ang amoy ng mga papel; ang pagkain sa cafeteria; ang napakataas na palapag na ilang beses ko dinaya na dumeretso sa ground floor at hindi titigil sa mga pagitang palapag habang papauwi (galing noh?); ang mga supervisor ko; at siyempre ang mga ka-ojt ko na matagal ko ng namimiss dahil nauna sila natapos sapagkat napakahaba ng oras na kailangan kong tapusin. Kapag nasalubong ko kayo kahit saan man, mahahalikan ko kayo at may hug pa kahit may boypren o gelpren man kayong kasama!





I love you guys.. mwah!

Nasaan na ba ako?
zzzzzzzzzzz...

Monday, June 27, 2011

Monday, June 27, 2011

10:58 pm: Gagawin ko itong mabilis dahil ako ay pagod na. Mahirap talaga ang araw ko kapag MWF. Sobrang gabi na ko nakakauwi pero buti na lang mapalad ako sapagkat mabilis ang biyahe ko pauwi. Kaninang umaga, napanood ko ang Ghost Fighter na paulit ulit ng inuulit sa GMA 7. Naalala ko tuloy nung bata pa ako na lahat ng tao ay yan lang ang pinapanood mapa bata man o matanda. Maglakad ka sa kalye ng alas siyete ng gabi noong panahong yun at lahat ng TV na makikita mo ay puro Eugene, Alfred, Vincent, Dennis, Master Jeremiah, Sharlene, Jericho, Taguro, at si "Pu". Ang sarap talaga balikan ang mga cartoons noong 90's at early 2000. Nandoon yung quality talaga ng storya hindi katulad ngayon na sobrang OA na. Nakapanood ako ng episode nung bagong Beyblade tapos pinalipad nila yung mga Beyblade nila para masira yung Longbow Helicopter. Lupet! Deadly weapon na pala ang mga Beyblade ngayon. Maayos na sana yung may mga bitbeast dahil para maramdaman ng mga bata yung silbi nung mga halimaw na naka-larawan sa Bey nila pero yung makawasak ng Chopper gamit ang mga bey, parang lumalabas ang utak  ko sa tainga ko. Iba talaga ang Eto Rangers, Ghost Fighter, Dragon Ball Z, Voltez V, Daimos, SlamDunk (kahit ilang beses bintin sa GMA), Cooking Master Boy (kahit mukha silang nakadroga tuwing nakakatikim ng pagkaing niluto ni Mao) at Pokemon. Ang magagandang cartoons na lang ngayon ay yung mga Naruto, One-Piece, Bleach, Death Note at iba pa ngunit binase ito sa komiks o "manga" kung tawagin sa Japan kaya parang hindi ko ito maituturing na panlaban sa mga cartoons noon dahil hindi ito nilikha bilang kartoons kung hindi ay para pang-aliw sa mga nagbabasa ng komiks dahil mas ma-aksyon at para sa mga taong hindi nag-basa ng manga dahil walang mabibilan o kaya'y walang pambili. Iba talaga ang pakiramdam ko noong natalo ni Eugune ang isandaang porsyentong lakas ni Taguro kahit nagmukhang David and Goliath yung laban; Nalaglag ang mata ko noong binagsak ni Goku ang kanyang Energy Ball na isang linggo niyang inipon; Asar na asar ako noong isang buong episode sa Slam Dunk ang three point shoot ni Kogure; Unang kilig moment ko nung bata ako ay ang Richard at Erika moments; Tuwang tuwa ako tuwing sinisigaw nilang Lima ang "Let's Volt in" kahit hindi naman kailangan; Naiyak ako noong iniwan na ni Butterfree si Ash; at hinding hindi ko makakalimutan ang pag-titiis na panoorin ang mga patapos na tele-novela ,balita, o talk-show para lang maumpisahan ang mga kartoons na gusto ko panoorin tapos sasabayan ang mga hapones na intro song kahit wala akong maintindihan.


Nasaan na ba ako?
Sabi ko maiksi lang eh.. napahaba ako.. napasarap ang pag-alala ko ng mga kartoons. Nakaka-miss.. Muntik na kong maiyak kanina noong natapos ko yung Kapitan Sino ni Bob Ong.. Ang galing niya talaga. Apektado ako sa storya ng bida. Kung ano yung nararmdaman ng bida, parang yun din ang nararamdaman ko. Matutulog na ko.

Sunday, June 26, 2011

Sunday, June 20, 2011

7:16 pm: Isang linggo na akong nag-tatala dito sa aking blog. Kahit walang nagbabasa, tuloy padin ako paglalathala ng aking karanasan sa araw-araw. Matatapos na ang "Long Weekend" kaya't parang hindi nanaman ako handang bumalik bukas sa klase. Lunes na Lunes ay napakaganda ng oras ng mga klase namin. 3:00 pm hanggang 9:10 pm. Pang call-center ang oras, kulang na lang eh magdala kame ng kumot at unan. Papasok ka pa lang, masasalubong mo na yung mga pauwi. At kapag pauwi ka na, makakasabay mo sa LRT yung mga taong bababa ng Cubao at magigising na lang sa Santolan.

Nagpagupit ako kaninang hapon. Noong ako ay limang taong gulang pa lamang, ayaw na ayaw kong mag-papagupit dahil  para kang pinaparusahan sa kati na dulot ng mga buhok na nalalaglag sa batok mo at hindi mo pwedeng kamutin dahil baka maputol ang tainga mo. Hindi bagay sakin ang semi-kalbo dahil malaki ang ulo ko at nagmumukha akong microphone kaya't ayaw kong mag-pa kalbo. Para sana hindi ako parating nagpapagupit. Naranasan ko din pasanin ang buong Jupiter noong High School dahil sa prescribed hair-cut. Naiintindihan ko naman kung ayaw nila ng mahahabang buhok na studyante dahil mukha raw madumi kahit mukhang mas marumi ang bagong gupit dahil sa mga nag-kakalaglagang buhok PERO BAKIT KAILANGAN PANG 2X3 ANG BUHOK NAMIN? Babagsak ba kame sa Mathematics kung hindi kame mukhang Sundalo? Hindi ba namin makakabisado ang mga Theories ni Newton kung mahaba ang bangs namin? Hindi ba namin maiintindihan ang Noli Me Tangere kung may patilya kame? Doon ba nakasalalay ang kakayahan ng isang lalaki kapag nag-didiagram kame ng "sentence" sa English? Gusto ko mag-trabaho sa Opisina at hindi sa Airfroce at Navy! Pwede namang clean cut na lang sana! Puwede bang ipaliwanag niyo sa akin kung bakit gusto niyo ng ganoong gupit sa mga mag-aaral dahil hanggang ngayon ay wala akong maisip na magandang dahilan kung bakit yoon ang batas niyo. Hindi niyo ba alam na may Facebook (Pero Friendster pa nun) account kame at parati kameng naguupload ng pictures tapos pinag-mukha nyo lang kameng tanga!? Kaya nga iniwan ko na din ang Friendster account ko dahil ayaw ko ng makita ang mga larawan kong tabas ang gilid ng ulo ko.  Nilabas ko lahat ng galit ko sa kolehiyo at hindi ako nag-patabas ng buhok. Makikita mong makakapal ang buhok ko sa bawat litrato ko at pwede na ko sumama sa mga Alternative-Rock band. Pero naisip ko na minsan ay dapat mag-iba din ng looks. Malaking bagay ang pagbabago ng anyo ng buhok. Isipin mo yung mga kakilala mong hindi mo nakita ng tatlong taon tapos nakita mo ulit pero hindi pa rin nagbago ang anyo ng buhok niya, kahit pumiti o umitim, nagkaroon man ng salamin, pumayat o tumaba, pinatangos man yung ilong, nagpatanggal man ng adams apple, nagpalagay ng nunal, nagpalaki ng suso, o magpadagdag ng mata ay  parang sa tingin ng karamihan ay walang paring pag-babago.
Clean cut ako ngayon kaya presko ang pakiramdam. Naisip ko din habang ginugupitan ako ang aspekto ng  buhay. Iniisip ko ang mga nalalaglag kong buhok ay ang mga problema at ang mga nakaraan na dapat iwanan para harapin ang bagong hairstyle, magustuhan ko man o hindi. Pero laging tatandaan kung ayaw mo ang buhay mo, marami namang paraan para lumigaya ka tulad ng hair-gel at suklay. Wag kang apektado sa sasabihin sayo ng mga tao na pangit ang buhay mo dahil wala silang paki sa long hair mo!

Nasaan na ba ako?
Nakatulala sa mga regalong sobrang mahal na ipapalabas sa Rated K.. Mahal pa sa pagmamahalan ni Bash(Basch? ang hirap ispelengin) at Popoy. Parang ang pangit ng buhok ko tapos wala na ata akong Gel... 

Saturday, June 25, 2011

Saturday, June 25, 2011

8:15pm: Alas Diyes na ko nagising kanina dahil ang sarap ng tulog ko. Pag-sabayin ba naman ang T-Ice at ang malamig na panahon, tulog mantika tuloy. Wala akong ginawa masyado ngayon pero baka umalis ako ngayong gabi. Pumunta ako kanina sa gym para magamit ko naman ang "Calcium" ng buto ko at para mapalaki ko ang aking "Gluteus Maximus" kahit malaki na. At dahil hinihiling ng aking mga kamag-aral ang pag lalarawan ko sa aming mga guro, ito na at gagawin ko na. Marahil lahat naman tayo ay dumaan sa madaming mga guro at doon mo makikita na lahat sila ay may iba-ibang angking talento sa pagbibigay ng perwisyo sa atin. Hayaan niyo ko ihayag ang aking opinyon sa aming mga guro. Hindi k na ilalagay ang kanilang pangalan at baka ipahuli nila ako sa FBI at pakainin lang ako doon ng paru-paro.(BABALA: maaring may laman na mga salita na hindi angkop sa mga batang nagbabasa, paki takpan na lang ang kanilang taynga)


Economics- Magaling naman siya at kabisado na niya yung nasa presentation nya. Kahit wala ng Power Point ay maiintindihan ko na ang tinuturo niya sapagkat para siyang nag-popromote lagi ng produkto. Lagi kong hinihintay na sabihin niya sa huli "Bili na po kau. 100 pesos LANG SIR". Marami lang ang naasar sa kanya dahil tinakot niya kame nung unang araw namin. Mag-dadrop daw siya ng limang studyante dahil yung ang batas niya. Maraming natakot at gusto ng balyahin ng kaklase ko yung guro namin. Napansin ko naman na nagbibiro lang siya dahil sabi ng mga nakatatandang mga alumni, mabait daw siya.

Research Project Proposal - Guro namin dito ang head ng aming departamento kaya inaasahan kong magaling siya magturo at magaling din siya mag-patawa ng jokes lalo na yung mga bastos. Hindi matatapos ang subject ng walang nasasambit na green jokes na dahilan din ng hindi ko pagtulog sa oras niya.

E-Commerce - minaliit ko itong guro na ito dahil wala sa itsura niya ang ganoong maraming alam. Magaling siya, yun lang ang masasabi ko.

Political Science - Maraming sabi sabi na ang guro namin dito ay nangbabagsak ng kalahating klase ngunit wala din sa itsura niya. Kailangan naming mag ingat dito. Siya yung mga tipong nasa pelikula na mababait pero  nagiging bakulaw pag dating sa grades.

Negotiable Instruments - binanggit ko naito noong nakaraang post ko pero sige uulitin ko para sa mga hindi nakpagbasa. Sa pelikula, isa siya sa mga babae ni James Bond. Lahat ng hinihiling ng isang normal na lalake sa babae ay na sa kanya niya kung magbabase sa panglabas na anyo. Ngunit may bagsik ng sampung Dragon, Kamandag ng 50 na ahas, at tapang ng tatlong daan na Spartans. Kapag-nakasiping mo siya ng isang beses sa gabi, wag ka ng umasa na gigising ka pa.

System Analysis and Design - Siya parin ang isa sa dahilan ng migraine ko. Makulit pa sa sa mga matatandang nasa Home for the Aged, mas marami pang pinapagawa sa isang pinuno ng komunistang gobyerno, at kaya niyang sumulat ng hieroglyphics na isa naming problema dahil yan lang ang lenguaheng kaya niyang isulat. Kaya Problemadong problemado ako dahil ito rin ang pinakamahirap kong subject.

Wireless Apps - Siya parin ang nakakatuwang guro namin last sem. Wala naman masyadong kaiinisan sa kanya.

Philippine Literature - Ito ang pinakamatindi sa lahat. Kung bagong kumpil ka, wag ka muna magklase dahil baka lumuha ang taynga mo ng dugo. Kapag may studyanteng buntis, makukunan yun agad. Bawal ang mahina ang puso sa klase niya at kung mahina ang puso mo, lumipat ka na ng ibang klase at baka hindi ka pa makagraduate. Mukhang naiintriga ka na tungkol sa kanya. Bading siya pero hindi yun ang problema ko. Ang laking problema ko na puro tungkol sa "sex" ang parati niyang halimbawa at analogy. Kinakabahan ako sa klase niya dahil baka magsabog siya ng sleeping grenade at bigla na lang kameng magising ng walang suot at nakatali. Madalas ko pa hindi maintindihan ang lesson niya dahil wala pa siyang halimbawang binibigay tungkol sa Philippine Literature. Hindi nga siya nagtatagalog eh. Bakit kaya? Philippine Literature, dapat tagalog ang lenguaheng gagamitin sa pagtuturo. AY WAG NA PALA! kung tagalog ang magiging lenguahe niya, baka isuka ko na ang puso at balumbalunan ko kapag narinig ko ang mga "Sex" terms sa tagalog!. Mas malala yun.


Nasaan na ba ako?
 Kumakalma lang. Apektado ako kahit sa pagsusulat.. Naririnig ko na ang mga kuliglig, isang senyales na hindi na uulan. Pwede na kong lumabas ng walang dalang payong. Naniniwala akong hindi pa tapos ang bagyo dahil mayroon pa yang dadating. G ang susunog na titik. Anu kaya ang pangalan ng susunod na bagyo? Gusto ko Godzilla para nakakatakot. O kaya Garapon para nakakatawa. O kaya Gorgeous.. o diba? pangalan pa lang ang ganda na tapos mabagsik pala. Parang guro lang namin sa Law.

Friday, June 24, 2011

Friday, June 24, 2011

10:52 PM: Isang bagay lang naman ang kinaiinisan ko ngayong araw. Walong oras na lang sana ang nalalabi para sa aking OJT na dapat tapos na ngayon ngunit dahil kay Falcon, babalik pa ako sa Makati sa susunod na linggo. Kating kati na kong matapos ang lahat pero dahil sa biglaang pag-bagsak ng malakas na kapangyarihan ni Falcon, buong araw akong nakatunga-nga dito sa aming tirahan. Isang magandang bagay na naidulot ni Falcon ay wala kaming pasok bukas. Maluha luha na ko kanina dahil ang hirap ng pinag-aaralan ko sa "Negotiable Instruments" (Law02) at wala akong maintindihan. Para bang nagbabasa ako ng mga Papyrus dahil hindi wala akong maintindihan. Napag-bulay bulay ko na malalason na ako sa mga  kamandag ng bulaklak nng aming guro ngunit ng buksan ko ang aking Facebook, lumutang sa baha ang post na dinumog ng likes ng kung sinu-sino na para bang Artista na may bagong scandal. Dito nakasulat ang mga salitang "No classess tomorrow announced by abcdefghijk due to ewan ko na ang kung ang susunod basta magandang balita". Ang sarap ng pakirmadam. Dinaig ko pa ang lalaking sinagot ng babaeng nililigawan niya ng limang taon. Dinaig ko pa ang taong grasang nanalo sa lahat ng kategorya ng lotto sa isang araw. Dinaig ko pa si "Nemo"" nung nakita niya ang Tatay niya.  Nakalusot din sa aming "Law" kung saan mayroon kaming guro na may kakayahang mag-iwan ng mga bulaklak sa kanyang nilalakaran dahil sa taglay niyang kagandahan at may kakayahan din siyang puluputin kami ng mahahabang tangkay ng rosas dahil sa taglay niyang katarayan. Nakakaramdam ako ng pahirap sa susunod na sabado. Pwede siyang lumaban sa Beauty Pageant tapos ang talent niya ay papatay siya ng Limang Buhay na Dragon. Garantisado! makukuha niya ang korona.

Dahil bugnot buong araw, bumili ako ng dalawang bote ng Tanduay Ice mula sa pinakamalapit na suking tindahan para maibsan ang hirap na naiisip ko. Pati nanay ko naiinip at hindi pa makatulog kaya pinagtiyatiyagaan niya ang Myx palibhasa kasi puro luma at mellow songs ang tinutugtog pero ayos lang na makinig siya ng mga tugtog na may kabuluhan kaysa naman sa mga rap ni "Gagong Rapper". Wala tuloy akong maitala, kaya bukas nalang siguro. IInom na ko.

Nasaan na ba ako?
Maraming bawal sa mundo: Bawal ang mababait na politiko, Bawal ang hindi Corrupt ng politiko, at bawal ang pinoy ng parating sumusunod sa batas. Ngayon bakit nga ba masarap ang bawal? Dito ka na lang at mag-basa ng blog ko. Sa sobrang sarap, akala mo bawal. May sarcastic flavor at refreshing. Tapos mayroong kick nahindi mo ma explain. Iinom na nga ako....

Thursday, June 23, 2011

Thursday, June 23, 2011

7:30 pm: Sa ngayon, sobrang lakas ng ulan. Sabi ko naman sa inyo ay wag niyong painumin ng maraming tubig at kape si San Pedro. Ayan! bumaha tuloy! Ambon lang kaninang umaga pagkatapos ngayon ay baha na ang ilang parte ng Metro Manila. Basang basa ang medyas ko pag-uwi ko kanina dahil may maliit ata na butas sa sapatos ko. Grabe! kating kati na ang paa ko. Iniisip ko yung piesta ng San Juan bukas at mukhang hindi na nila kailangan magbuhos ng tubig bukas. Wala din akong pasok bukas dahil araw ng Maynila kaya itutuon ko ang panahon ko sa pagtatapos ng Praktikum ko bukas. Sana wag umulan ng malakas bukas para matapos ko na. Kanina sa LRT (hindi line 1 ha) habang nagbabasa ako ng Kapitan Sino by "Bob Ong", may isang dilag na humuli sa aking pansin. Tumugtog ang "True" ng Spandeu Ballet ng tumutok ang mapupungay kong mata sa kanya.

I bought a ticket to the world,
But now I've come back again.
Why do I find it hard to write the next line?
When I want the truth to be said.......

Ah Ah Ah Ah Ah
I know this much is true.
Ah Ah Ah Ah Ah
I know this much is true.

Hindi naman siya kasing ganda ng mga artistang  nasa Kalendaryo ng Tanduay pero hindi rin siya kasing panget ng mga matatandang-dalagang terror na "professor" niyo. Simple lang siya, hindi ko alam kung ano ang meron sa kanya at nabighani ako ng panandalian. Isang beses nahuli niya akong nakatingin sa kanya at bigla akong sumilip sa bintana sa likod niya kunyari nakita ko si Superman na lumilipad sa kalangitan. Naramdaman kong biglang namula mukha ko dahil napahiya din ako ng bahagya.Pag-baba namin dahil pareho kameng sa Legarda bababa, bigla siyang lumapit sakin at sabay humalik sa pisngi ko pero yun nga lang, pangarap ko lang yun. Bigla na lang siya nawala at sana makita ko siya ulit. Pag-ibig na ba itong nararamdaman ko? Sumabog ba bigla ang aking Hypothalamus gland at biglang lumutang ang mga emosyon ko? AHH LETSE!! Hindi naman ako tanga para umibig ng hindi ko pa nakikilala. Siguro ay pag-hanga lang ang ipinakita ko. Napakababaw ko naman para mag-mahal ng hindi ko kilala. Sa mga love story, dun nag-sisimula ang lahat hanggang sa umabot ang tamang oras na mahulog ang libro niya at pupulutin mo, biglang pumreno ang LRT at na "out-of-balance" siya tapos nasalo mo, tatanungin ka niya dahil interisado siya sa binabasa mo, at hanggang sa mag-mukha ka ng tanga at inutil sa kakaisip sa lahat ng pwedeng mangyari para magkakilala kayo kagaya ko.

Maraming dapat gawin na nauukol sa pag-aaral ko kaya ayaw ko na muna isipin ang pag-ibig. Na-suspend ang klase kaninang 4. Eh ang klase naman namin ay mula 10:30 am hanggang 4:30 pm kaya wala ring silbi! Para kaming nakakuha ng free ticket sa DisneyLand na may nakalagay sa baba "Promo until June 23, 2005". Hinihiling ng isa kong kamag-aral na ilarawan ko ang aming mga professor dahil natatawa daw siya kapag nilalarawan ko sila. Siguro gagawin ko yun sa Sabado na dahil abala pa ko sa ibang bagay kaya't sa susunod ko na lang gagawin. 


Nasaan na ba ako?
Ayos lang ang lagay. Kahit papaano ay lumalabas parin ang imahe ng babaeng nakita ko kanina sa utak ko. Manonood muna ako at magpapahinga.  

Ah Ah Ah Ah Ah
I know this much is true.

Wednesday, June 22, 2011

Wednesday, June 22, 2011

11:19 PM. Ganito ang kadalasang gusto kong panahon. Mag-isa lang ako sa computer at umuulan. Kulang na lang hot chocolate para sumarap ang pakiramdam ko yun nga lang tinatamad na ko mag timpla kasi pagod na din ako. Sa Ayala ako nag-papraktikum (OJT) at sinisingit ko ito sa umaga upang mabuo ang aking tatlong daang oras na pag-tatrabaho na nagsisilbing "requirement". Kung mangagaling ng Antipolo, wala akong magagawa kung hindi sumakay sa napakamahal na fx. Nitong bakasyon naranasan kong mag-fx papasok at pauwi. Sa hindi ko malamang kadahilanan at ewan ko rin kung nararanasan ito ng iba, palaging sumasakit ang puwitan ko sa fx. Hindi ko alam kung bakit. Yung sakit na nakukuha kapag nangangalay. Hindi ko alam kung dahil ba nagsisikiskan kame lage o baka dahil pag-kakagawa ng upuan. Naranasan ko pa ng may katabing mataba mula Antipolo hanggang Ayala. 2 oras kong pinigilan ang sirkulasyon ng dugo ko at nagawa kong hindi huminga na may kasama pang pag-titiis sa kirot na nadarama ng aking puwet na mas masakit pa sa sakit na naidudulot ng pag-ibig. Kaya minsan mas gusto ko na lang sumakay sa jeep. Kahit mainit, mas komportable ako. Matapos ang ang aking half-day, kailangan ko pang pumunta sa Beda dahil may klase pa ko ng 3-4 at 3 subject sa 6-9. Oh diba? 8 am to 9 pm ako nagpapakamatay sa pagod. Partida wala pang Enervon at Cobra yan. Kaya siguro hindi ako "happy" at palagi akong talo. Kalalabas ko lang sa building at malakas at masarap na hangin ang sumalubong sakin. Napa-Wow na lang ako at amoy probinsya yung hangin, hindi ko alam kung bakit. Sa sobrang lakas ng hangin, siguradong mapapa "HAACHOO!" lahat ng tao kapag nagsabog ka ng pamintang durog. Siyempre sumakay ako sa LRT 1 kung saan lahat ng tao ay napakagalang at mababait. Sa LRT 1 kung saan lahat ng sasakay ay hindi muna pinapababa ang mga pasaherong bababa. Sa LRT 1 kung saan ang mga tao ay hindi marunong gumamit ng salitang "paraan"at "excuse me". Sa LRT 1 kung saan lahat ng klase ng putok ay maamoy mo. Oo! dito mo maeexperience ang lahat ng flavors ng putok at mas malupet kung may four seasons pa. Kaya nga dumadaan yung riles sa Philippine General Hospital kasi baka bigla na lang dumilim ang paningin mo sabay ng pag-kawala ng wallet mo kasi nga nahimatay ka. Pero kung kakayanin mo naman indahin ang amoy ng kakaibang fruit salad, makakarating ka naman sa paroroonan mo yun nga lang pagka baba mo, susuka ka muna bago ka magkaroon ng malay ulit. Ang saya talaga sa LRT 1! ang daming features! parang Samsung Galaxy.

Pag-uwi ko kanina galing Maynila, Napapangiti ako sa mga tinutogtog nung jeep. Nagsimula muna sa mga kantang nireremix ng mga pinoy rapper na hindi ko kilala at isang dahilan na din kung bakit namumuti na ang buhok ko. Pag-katapos ng mala-parusang rap, bumanat ng dalawang magkasunod na tugtugin ng Westlife. My love at Queen of my heart. Wow! hindi lang jologs si manong, baduy pa. Pero para sakin ok na ang baduy dahil naalala ko ang aking kabataan sa Westlife. WOW! kabataan!! tumatanda na atah ako dahil natututunan ko ng alalahanin ang pagkabata ko. Sumunod sa mga kantang yun, hulaan niyo. Sige isang malupet na hula lang. Siret na? Bigyan kita ng clue. Yung kumanta, Key siya sa keyboard. banda taas. Sa taas ng Keys ng "4","5", at "6". Sigurado naman ako na nahulaan mo na, Siyempre baduy ka din eh. Meteor Rain pa yung kanta. Naks!! naalala ko pa. Akala ko kasi puro Lady Gaga na lang pinapatugtog sa jeep ngayon. May mga jeep pa rin pa lang gumagamit ng radyo na may frequency nitong early 2000s.


Nasaan na ba ako?
Hindi pa ko gumagawa ng takdang aralin ko. Ang haba pa naman. Masyado akong naaliw sa jeep ni manong.   Mukhang na LSS pa ako sa Meteor Rain.

Tuesday, June 21, 2011

Tuesday, June 21, 2011

9:17pm: Masaya naman ako sa mga nangyari ngayong araw dahil naging ok naman ang mga ginawa naming takdang aralin na akala ko madaming mali. Kaunti lang pala.Kanina rin ay bumili kami ng libro sa Katipunan dahil doon nalang daw mayroong "stock" para sa aking Economics subject at biglaan pa. Buti na lang may dala akong sobrang pera at alas otso na ko nakauwi dahil traffic at ala sais na kame umalis dun dahil kumain pa kame(salamat nga pala kay Kit Villa para sa burger mcdo meal) . Ang hirap pala sumakay doon kapag rush hour. Makikita mong nagsisikuhan ang mga tao sa pags-sakay sa mga jeepney.Kung pauwi ka galing Katipunan, kailangan mag warm up ka muna para mayroong kang lakas sa pa-tulak at pagsuntok sa mga kapwa pasahero. Magdala ka na din First Aid Kit kasi baka gumanti sila kahit sila yung may kasalanan. Traffic pauwi dahil "Rush-Hour" at sinabayan pa nung ginagawang kalsada sa Marcos-Hi way at Ligaya. Umuulan pa kaya may tarapal, giniginaw ako sa sobrang init. Ang saya! Ewan ko kung bakit hindi parin ako pumapayat kahit araw araw tumatagaktak ang pawis ko pauwi. Anak ng Motorista!

Sa dami ng mapapansin ko(dahil trapik), e napuna ko agad yung malaking mala-rehas na bakod na nasa gitna ng kalsada. Ito ang nagsisilbing harang para sa mga taong tumatawid kahit mayroon namang footbridge. Baket  kaya kailangan pang-maglagay ng rehas para wag tumawid ang mga pilipinong makakapal ang mukha? bakit kailangan pang maglagay ng "Bawal tumawid, nakamamatay" o kaya naman "Bawal tumawid, may namatay na"?. Kailangan pa tayong daanin sa santong paspasan para lang sa isang bagay na para sa ating kapakanan din naman.Tapos lagi kayong magrereklamo na hindi umuunlad ang pilipinas. Nakakainit ng dugo. Anong panakot naman kaya ang susunod na gagawin ng MMDA? Siguro maglalagay na sila ng bangkay na nasagasaan kahit lapirot na tapos isasabit doon sa rehas at may nakalagay "Bawal tumawid, may namatay na. Kung ayaw niyo matulad sa inutil na naka sabit dito, HUWAG KANG TATAWID P@#$* INA!". Wag naman na sanang umabot sa ganoon. Napupunta ang mga buwis na binabayaran niyo sa sa pag-gawa ng tawiran(Footbridge). Nakakaasar din ang mga motoristang hindi tumitigil pag may tumatawid sa pedestrian lane. Hindi ba nila alam ang batas doon?? Kapag umapak na ang tatawid sa linya, dapat kailangan nilang bagalan ang kanilang pagmamaneho o kaya nama'y dapat silang tumigil. Siguro naman kita nila ang nakakasilaw na puting linya sa kalsada. Hindi naman "grey" yun para hindi nila makita. Marami pang kalokohan ang mga motorista ng pilipinas lalo na ang mga jeepneys pero ayaw ko na ilahad lahat at baka sumakit lang ang ulo ko at may mabalitaan ka kayong massacre na ako ang suspect. Ganyan ang Pilipinas kaya hindi umuunlad. Ang mga namamahala at ang mga tao ay puro kawalang hiyaan ang ginagawa. Kung ang motorista at ang mga tao sa kalsada ay walang disciplina, E baka nasa Pilipinas ka. Araw araw, may car accident o kaya naman ay may nasasagasaan. Parang Pilipinas. Araw araw may corrupt at may nakawan, patayan, gahasa, droga, lahat na nasa atin.


Nasaan na ba ako?
Nag-iisip parin kung uunlad pa ang Pilipinas. Malamang hindi na. Pauunlarin ko na lang sarili ko. Kapag sa tingin mo umunlad ang Pilipinas, baka Government official ka na at nalilimutan mo lang na senador ka dahil abala ka sa pagbibilang ng mga nakurakot mo at pag-iisip kung saan gigimick mamaya.

Monday, June 20, 2011

Monday, June 20, 2011

11:49 PM. Buti na lang umabot pa ako. Muntik ko nang hindi malagyan ang aking talaarawan. Kasalukyan akong nanood ng "Wrestling". John Cena vs. R-Truth. Kapag sinasabi kong nanood ako ng WWE, lagi na lang nilang binabanat sakin "Hindi naman totoo yun diba?". Ginagawa mo ba kong tanga?? alam kong nasa script lahat ng galaw nila. Pero bakit nanatali pa rin akong manonood? E ang mga pelikulang pinapanood mo, "HINDI NAMAN TOTOO YUN AH??". Ganoon na lang ang dahilan ko kung bakit ako nanood. Bata pa lamang ako ay sumusbaybay na ko sa wrestling. Nakagawian ko na kasi at sa di ko malamang dahilan, naaliw pa rin naman ako. Huwag niyo na lamang himasukin ang aking mga hilig kaysa naman gumamit ako ng illegal na droga.

Wala namang nangyaring kakaiba sa akin ngayong araw. Wala namang pasok kaya inasikaso ko ang mga dapat gawin lalo na yung mga konektado sa pag-aaral ko kahit labag sa aking kalooban dahil malamig at nakakatamad kumilos. Kailangan kasi eh, para di ako maghirap. Mabuti ng maghirap ako ng Dalawampung taon kaysa mahirapan ako ng labinlimang taon o mahigit pa.

Nasaan na ba ako?
Matutulog na. Tinatamad paring kumilos. Nanalo si John Cena. Tinulungan siya nung bata.

Saturday, June 18, 2011

Sunday , June 19, 2011

Ngayong ang ika-150th anibersaryo ng ating pinakamamahal na bayani na si Dr. José Protasio Rizal Mercado y Alonzo Realonda kasabay ng kaarawan din ng aking ama at siyempre ngayon din ang araw ng ating mga Padre de pamilya. Malakas ang ulan dahil mayroon daw bagyo pero ngayon ay mukhang tumigil ang buhos. Mukhang tapos na umihi si San Pedro. Bakit kaya ganoon ang naisip ng mga pilipino? Ang mga pilipino talaga basta na lang makapag-isip at makapag-gawa ng kuwento. Wag niyo pala dapait painumin ng maraming kape o Tubig si San Pedro kasi baka bumaha. E ano yung "acid rain"? baka may UTI si San Pedro noong mga panahong yoon.

1:56 pm. Natapos ko na ang aking mga Takdang Aralin at masaya ako na hindi ako tinamad at sinapian ng "Manyana Habit". Sana magtuloy-tuloy na at hindi ako maging "Ningas Kugon". Wow! mukhang nabanggit ko na ang dumi ng mga Pilipino.  Walang pasok bukas pati na din  ang mga empleyado dahil idineklara ni P-Noy ito bilang pag-pugay sa ating Pambansang Bayani. Pahinga sa ibang tao, at sa iba hindi siyempre kasama ako dun. Kailangan kong aralin ang mga ginawa kong takdang aralin dahil kung hindi ay matutulad ito sa mga Sedula nila Bonficio dati at pasasabugin na parang confetti sa Victory Parade ni Manny Pacquiao. Sabi nila madali daw maging fourth year, Hindi pala. Inaasahan ko na dito ang mga pananakot ng mga guro tulad ng "Sige huwag niyong gawin yang seatwork na yan para hindi kayo makagraduate". Noong High School ay puro ganyan ang sambit ng aking mga guro na may kasama pang sabog ng laway tuwing nagagalit samin. Nahalintulad ko sila sa mga nakakatanda na nananakot lagi pag may ginagawa kang ayaw nila."Huwag kang pupunta jan, may mumu jan!!". LECHE!!! akala naman nila natatakot ako.. Hindi pa ko nakakakita ng multo. Sana makakakita ako kahit isang beses lang bago ako mamatay kung totoo nga ba sila. Kahit tumaas yung buong balahibo ko at magmukha akong lobo, kahit maihi ako sa sobrang takot, kahit sumabog yung lalamunan ko kakasigaw, at kahit magkahika ako sa layo ng tatakbuhin ko palayo.

Nasaan na ba ako? 
Naandtio lang ako sa bahay. Ang utak ko ay lumilipad na parang lawin at kung saan saan na napupunta. Nasa  
"maduming " lugar ata. 


Saturday, June 18 , 2011..

Ako si Kevin Oliveros. Isang mag-aaral. Isang taon na lamang ay makakapagtapos na ako ng "B.S. Information and Communactions Technology" sa San Beda College.

Ginawa ko itong "blog" na ito bilang aking talaarawan o "diary" sa ingles. Dito ko ilalahad lahat ng nangyari sakin sa araw-araw at ilalahad ko ito sa wikang Filipino (tagalog). Gusto ko hasain ang sarili ko sa tuwid na pag-salita ng Filipino sapagkat napapansin ko na nagiging balbal o makalat na tayo sa pag-salita at pagsulat sa sarili nating wika at marahil napapansin na din ito ng nakakarami. Pinagtatawanan natin ang ibang Pilipino kapag mali ang pagbigkas o paglalahad nila gamit ang wikang ingles pero hindi natin napupuna na tayo ay madalas magkamali pero hindi na napapnsin dahil "TAYO" mismo ay balbal magsalita. Tama, kasama ako.

Ilalahad ko dito ang mga pangyayari sa aking buhay bawat araw (kung kaya ko) gamit ang makukulay kong salita. Bukas ko na Sisimulan ang una kong taalarawan kasabay ng pag-pugay sa ika-150th anibersaryo ng ating pambansang bayani at aking hinahangaan na si Jose Rizal. Magandang Gabi sa inyo.