Thursday, March 29, 2012

Para sa 4-BIT

Tulad ng ibang manunulat at iba pang batikang mga tao, hindi ko alam kung paano uumpisahan ang talang ito. Nandito ako ngayon nakaupo sa harap ng laptop at gumagawa ng collage para sa mga blockmates. Hindi ko lubos maisip na ito na pala yung sinasabi nilang pakiramdam ng gagraduate. Yung pakiramdam na tapos na lahat ng pag-hihirap mo, papasok na lang para sa clearance, magpapraktis para sa graduation, at aabangan ang araw ng pag-akyat mo sa entablado. Ang hirap talaga magsimula kasi hindi ako makapagtype ng maayos dahil pahid ako ng pahid sa mga luha ko.

Naalala ko parin ang unang araw ko sa Beda. Tulad ng ibang tao, mahirap talaga makalimutan ang mga "UNA" o sa ingles, mga "FIRST". First Kiss, First love, First shot, First crush, at First Time(hindi ko na lang sasabihin kung ano yung "time" na yun basta hindi pa ko nakakaranas nun at sigurado naman ako na naglalaro na sa isipan niyo yun). Seryoso pa ang lahat at akala mo lahat ay bagong kumpil. Sa naalala ko, lumakas ang bonding ng klase dahil sa mga FIRST ASSIGNMENTS AT QUIZZES ng mga subjects lalo na s Algebra. Noong una Algebra lang pero hindi tumagal at nadagdagan ng limang kapal na layer ng epidermis ang mga mukha ng lahat at biglang nagkakapareho na ang mga quiz grades kada hanay. Sabi ng Nanay ko nagdedevelop daw ang sungay ng mga college students sa simula ng second sem pero natawa na lang ako after 3 weeks, may mga nicknames na ang mga nakakainis na professors. Masaya ang klase, hindi ko ramdam na nasa College na ko. 

Second year nagumpisa na ang mga asaran. Nakakatwang isipin na wala pang nagsapakan sa atin dahil sa pang-aasar eh sagad sa testosterone ang mga banat. Ito yung mga panahong sanay ka na kapag lahat ng mga nasa likod mo nung exams ay kapareho mo na ng grade. Hindi pa mahirap itong panahong ito kasi minor subjects lang ang inaalala natin tulad ng mga math subjects. Ito rin yung mga panahong nag-aksaya tayo ng panahon sa Lab A dahil #include<iostream.h> lang ang natutunan ko sa C++. 

Pumasok bigla ang hardcore na taon. Kumbaga sa Wrestling, Hell in Cell o kaya Extreme Rules ang labanan. Nagmistulang Sesame Street ang mga videos ni Sasha Grey at nagmukhang Teletubbies ang Human Centipede sa sobrang harcore na taon na ito. Well naging Harcore lang naman siya dahil sa SAD 01, Obli at ADSTAT pero pakiramdam ko e nabigla lang tayong lahat. Naalala ko yung mga panahong napapa-aral ako sa LRT kahit labag sa looban ko. Yung pakiramdam na hindi ka pa natatawag sa recitation tapos todo aral kahit puyat at hindi mo maintindihan. Sa SAD 01 kuminang ang mga dakilang "runners". Pinanganak ng may malalakas na tuhod upang malampasan ang hirap sa pag-baba at akyat ng hagdan, may AUV protection sa balat upang hindi tablan ng maiinit na araw, at Malakas na Respiratory System para tumagal sa trabaho. Hawak ang kani-kanilang dakilang "EXCALIBUR", sila ang mga under-rated na bayani ng bawat SAD at RPP/RPD group. Noong mga panahong ito, nakaksabay ko ang mga kaklase ko nung high-school at madalas nilang sinasabi kapag nagkukwentuhan kami "Ang boring na nga ngayon eh, kasi seryoso na lahat at wala ng biruan". Nalungkot nga ako para sa kanya kasi sa atin, tawanan lang kapag lowest sa quiz. Yung tipong kahit hirap na hirap na tayo sa pag-gawa ng System eh tawanan parin kase palpak yung program, kadarating lang sa room tapos bibigyan agad ng USB, at kung ano-ano pang bagay na hindi dapat tawanan pero tinatawanan parin.

Dumating ang pang-apat at huling taon ngunit nananalangin parin ang karamihan na sana ito na nga ang huli. Bigyan ka ba namn ng SAD 02 at PolSci, sino ang matutuwa? Magkasabay pa ng araw yung schedule. Pagkatapos ka pagtripan sa RPP at pahirapan sa SAD 02, susundan naman ng nakakakilabot na Political Science. Mas pipiliin mo pang sagutin ang telepono makalipas ang pitong araw matapos mo mapanood ang isang video tape. Mararamdaman mo talaga ang stress at pagod at hinding hindi makakalimutan ng bawat isa. Dumating ang second semester na parang bala ng baril at hindi na natin namalayan na eto na pala, ilang araw na lang graduation na.

First day ko ng college e hiling ko nun ay sana bumilis na lang ang panahon at graduation na, ayaw ko na magcollege. Hiniling ko pa na sana pag-gising ko graduation na pero tignan niyo ko ngayon, hindi ako makapinawala na papalapit na at parang ayaw ko pang magkahiwa-hiwalay na tayo. Maaring magkikita-kita pa tayo balang araw pero makukumpleto pa kaya? Ganun pa rin kaya ang ugali ng isa't isa? Ganoon pa rin kaya ang pakiramdam na parang mag-kaklase lang tayo sa Art App? Marahil masaya na din kayo kasi di niyo na makakasama yung mga kagalit niyo pero papayag ka na lang ba na matatapos ang taon ng galit pa kayo at dalhin niyo pa sa 20th reunion yung alitan niyo? Malungkot din yung iba kasi hindi na nila madalas makakasama yung mga kalapit niyo pero maalala mo pa kaya sila kapag nasa ibang bansa ka na?

Masaya ka na aalis ka na at gagraduate pero may magpapakopya pa kaya sayo ng program sa trabaho? Pwede mo parin kaya silang asarin ng below the belt ng hindi ka nasasapak? Pwede ka pa kayang humingi ng tulong sa ibang grupo kapag hindi mo na alam ang gagawin mo kasi deadline na ng project mo bukas? Meron pa kayang "class-fund" na pwedeng utangan? Ang daming tanong na pwedeng sagutin kung pipilosopohin mo pero kung didibdibin mo, mahirap magsalita.

Aaminin ko na hindi ako kuntento sa mga natutunan ko at pakiramdam ko ay kulang pa ang itinuro nila sakin pero hindi ko naman tinatanggi na naging masaya at makabuluhan ang pakikisama ko sa inyong lahat. Hindi ko nga alam kung ano ang naging kontribusyon ko sa klase bukod dun sa mga "kopya" moments na kadalasan hindi pa ko nag-papakopya. Siguro ang dahilan ko lang eh kasi yung iba lahat kinokopya, dun lang talaga ako naaasar. Pacenxa na sa mga taong nasaktan, naperwisyo, nasungitan, namura, nasigawan, nalait, naiwanan, napabayaan, nabackstabb(kahit hindi niyo alam) at kinadamutan. Katulad ng ibang tao, hindi naman ako perpekto ngunit ginagawan ko naman ng paraan para magbago na ko. 

Salamat sa mga taong tumulong sakin, nag-bigay payo, nagpasaya, nanlibre, sumuporta, sa mga nag-hatid sundo pag may lakad, sa mga nag-pakopya, nanlasing at lahat ng tulong na di maalala ng isip ko. Makakasiguro kayo na hindi ko kayo makakalimutan kahit pilit ko man kayo ay limutin. Maraming salamat sa inyo dahil pinatunayan niyo sakin na marami parin taong mapagkakatiwalaan sa madupang na mundo na kinabubuhayan natin. Malungkot man ako sa mga panahong ito at kahit pa sinasabayan ng luha ko ang pag-iisip ng makulay na salita, Masaya ako at sabay sabay tayong nakatapos. Maaring magkikita pa tayo sa ibang araw pero iba pa-rin yung mga panahong magkakasama tayong lahat.

Sabay-Sabay nating pinag-hirapan ang makatapos ng pag-aaral upang makamtan ang sari-sarili nating pangarap at lahat tayo ay naging matatag at tumanda. At ngayon na mag-tatapos ang ating responisbilidad bilang isang studyante upang tayo ay magkaroon naman ng mga bagong pangarap at hanapin ang hindi pa malamang hiling. Paalam sa inyo at inaasahan kong magkikita kita pa tayong lahat. Malamang ay lahat tayo ay magbabago kapag dumating ang araw na iyon pero hindi natin mababago ang mga panahong tayo ay nagkasama-sama. Pero sana, ang tunay na ikaw ay hindi magbago. Lahat ng ala-ala at mga pagsubok ay hinding hindi ko malilimutan dahil dito ito ang nagdala satin sa kinatatayuan natin ngayon at ito ang nag-hulma sa atin kung ano tayo ngayon. Ngayon, Papasok na tayo sa realidad ng walang pag-sisisi. Ulit, salamat sa inyo.. mahal na mahal ko kayo.