Thursday, June 30, 2011

Thursday, June 30, 2011

10:41 PM: Ako ay nahaharap sa malagim na kinabukasan sapagkat halos lahat ng aking asignatura ay may pagsusulit (Lumelevel up sa tagalog!! asignatura! kinabog ako sa sarili ko). Bakit kailangang sabay sabay silang lahat? Pwede bang isa-isa lang? Hindi ba nila alam na may kapasidad din ang utak ng tao sa pag-reserba ng impomasyon? Alam kong mali ang rason ko sapagkat sa mga guro, palagi naman akong mali kahit hindi ngunit kapag ikaw ang naghahabol sa kanila ng resulta sa mga pagsusulit ay parating nilang sambit "Eh kasi madami pa akong section na tinuturuan kaya marami akong chinecheck. Busy kasi ako nitong weekend kasi nakipaglandian pa ko tapos naginuman kame and then hangover kinabukasan. Siyempre nagpahinga naman ako diba? pero nag-parebond ako. Sa next sem ko na ibibigay yung result ng Quiz#1 niyo ha." Ang galing diba? Oo nga naman busy sila. Hindi tama ang dahilan natin na sabay sabay ang mga proyekto, takdang aralin, graded recitation, at Praktikale exam. Eh ano naman kung siyam ang asignatura natin e sila 5 section ang tinuturuan nila tapos lahay yon pare-pareho lang din ng asignatura.

Hindi pa umaabot ang orasan ng hating gabi pero nilalantakan ko ang hamburger ko na dapat midnight snack. Minsan hindi ko na lang masabi talaga kung gutom ako o kung wala lang talagang magawa. Marami naman siguro na nakararanas na kapag walang magawa, e bubuksan ang ref na amoy grocery store at kukuha ng kahit ano basta makakain at mapapapak. Tapos magrereklamo na ang taba taba nila. Anak ng Tinapay!
Dito papasok ang mga handak na kimiko para gumawa ng lahat ng klase ng pampapayat tulad ng mga gamot, sabon, injectables,mga inuming may "L-Carnivore", at samut saring lason na wala rin namang silbi sapagkat ang dami kong nakikitang mga mapapalad sa yaman na gustong pumayat pero heavyweight pa rin.
Kung gusto mo daw pumayat, kakain ka dapat ng kada 3 oras pero hindi ibig sabihin noon ay Piyesta din para sayo kada tatlong oras. Kasama na ang Almusal, tanghalian, at hapunan, kakain ka sa bawat tatlong oras ng magagaan na pagkain tulad ng Biskwit o kahit anung meryend para bumilis ang metabolismo ng tiyan mo. Siyempre napakaimportante na samahan ito ng tamang hersisyo dahil kung hindi mo gagawin yon, para ka na ding nagdarasal na manalo sa lotto pero hindi ka tumataya. Dinadaan lang kayo sa mga before and after tapos minsan sasamahan pa ng artista. Naalala ko tuloy yung Papaya Soap na inadvertise ni Kris Aquino. Bakit siya ang inadvertise e sadyang maputi na siya? Parang nagadvertise si Rufa Mae Quinto ng pampalaki ng dib-dib. Kung gagawa sila ng whitening soap, ipasubok dapat nila sa mga yung mga morena tulad nila Venus Raj o kaya naman sa mga sobrang itim tulad ni Norman Black  at pagkatapos non ay saka nila isabog yung mga 1 million Pesos per second nila sa mga  advertisment sa TV. Kapag pumuti si Norman Black tulad ng pagkakaputi ni  Voldemort, sige bibili ako ng Papaya Soap yan.

Nasaan na ba ako?


Maya maya ay matutulog na rin ako. Mag-aral muna siguro ako ng onti para may masagot naman ako sa quiz ko bukas kahit mga 14 lang over 50.

Wednesday, June 29, 2011

Wednesday, June 29, 2011

11:24 PM: Tapos na rin ang OJT ko kanina lang. Nagdrama na ko kagabi kaya tama na. Kanina binasa ko sa Daily Inquirer na inpinamalas ng Tsina ang kanilang tren na humaharurot ng 300 milya kada oras, kasing bilis ng tren ng Japan. Mukhang hindi ito kayang patigilin ng pinagsamang lakas nila Optimus Prime at Megatron. Baka hindi ko pa nalulunok ang Bonamin ko ay nandoon na ko sa paroroonan ko.  Hindi ko alam kung saan ang mga istasyon pero kung may istasyon sa Guangzhou, madali na sila makakapagtarabaho sa mga sentrong lugar tulad ng Beijing at Shanghai. Kung ihahalintulad ang layo noon sa Pilipinas, parang Bicol hanggang Manila siguro. Kung ganoon man, mapapadali lalo ang buhay ng mga taga probinsya. Imbis na "Luluwas ako ng Maynila", magiging "Pare, gigimick ako sa Maynila sama ka?" dahil sa bilis ng biyahe. Hindi ko naman pinapangarap na mangyari yun sa Pilipinas dahil para ko na ring sinabi na hindi magiging corrupt ang mga politiko. Ang taas na pangarap na yoon at mas mataas pa sa mga pangarap ng mga hinayupak na mambabatas. Isa pa, lalong lalaki ang utang ng Pilipinas.

Late na kame pinalabas ng professor namin sa Philippine Literature kaya't nag-lakad ako ng gabi sa kalsada papauwi na madalas ko namang ginagawa. Hindi na ako magugulat kung may bumulong man sa akin kasama ng mabahong hininga ang mga salitang "HOLDAP!!". Sa totoo lang, hindi naman talamak ang mga krimen dito sa Antipolo ngunit siyempre marami paring sakim dito na nagbabaitbaitan kaya kailangan paring magingat. Pagod ulit ako ngayon kaya hanggang dito na lang siguro muna.

Nasaan na ba ako?


Maraming project na iniisip. Sinisimulan na nila ko. Mahirap pa sa stage ng Pac-man na wala ng power pellets. Malala pa sa bangungot ko. Masakit pa sa kirot na nadarama ko noong umiibig paako.

Tuesday, June 28, 2011

Tuesday, June 28, 2011

9:35 pm:  Pagod na pagod ako at hindi ko malaman kung bakit. Kanina pang umaga, parang wala akong buhay. Yung potential energy ko, ayaw maging Kinetic energy pero sapat naman ang tulog ko kagabi. Siguro hindi ko lang talaga araw ngayon at siguro minsan talaga ay hindi ko katulad yung dalawang lalaking nasa patalastas ng enervon na sumayaw para lang sumingit. Pakiramdam ko lumakas ang gravity dito sa daigdig at parang may dala akong malaking kampana sa likod ko. Siguro kapag tumayo ako ng 30 na segundo ng walang ginagawa, matutulog ako. Ito talaga paiiksiin ko lang ang post ko.

Huling araw ko na sa OJT bukas at kahit parang lantang talong ako dito, mamimiss ko din sigurado ang opisina. Mamimiss ko rin ang mabilis at sunod sunod na tunog ng keyboard sa paligid ko; Ang amoy ng mga papel; ang pagkain sa cafeteria; ang napakataas na palapag na ilang beses ko dinaya na dumeretso sa ground floor at hindi titigil sa mga pagitang palapag habang papauwi (galing noh?); ang mga supervisor ko; at siyempre ang mga ka-ojt ko na matagal ko ng namimiss dahil nauna sila natapos sapagkat napakahaba ng oras na kailangan kong tapusin. Kapag nasalubong ko kayo kahit saan man, mahahalikan ko kayo at may hug pa kahit may boypren o gelpren man kayong kasama!





I love you guys.. mwah!

Nasaan na ba ako?
zzzzzzzzzzz...

Monday, June 27, 2011

Monday, June 27, 2011

10:58 pm: Gagawin ko itong mabilis dahil ako ay pagod na. Mahirap talaga ang araw ko kapag MWF. Sobrang gabi na ko nakakauwi pero buti na lang mapalad ako sapagkat mabilis ang biyahe ko pauwi. Kaninang umaga, napanood ko ang Ghost Fighter na paulit ulit ng inuulit sa GMA 7. Naalala ko tuloy nung bata pa ako na lahat ng tao ay yan lang ang pinapanood mapa bata man o matanda. Maglakad ka sa kalye ng alas siyete ng gabi noong panahong yun at lahat ng TV na makikita mo ay puro Eugene, Alfred, Vincent, Dennis, Master Jeremiah, Sharlene, Jericho, Taguro, at si "Pu". Ang sarap talaga balikan ang mga cartoons noong 90's at early 2000. Nandoon yung quality talaga ng storya hindi katulad ngayon na sobrang OA na. Nakapanood ako ng episode nung bagong Beyblade tapos pinalipad nila yung mga Beyblade nila para masira yung Longbow Helicopter. Lupet! Deadly weapon na pala ang mga Beyblade ngayon. Maayos na sana yung may mga bitbeast dahil para maramdaman ng mga bata yung silbi nung mga halimaw na naka-larawan sa Bey nila pero yung makawasak ng Chopper gamit ang mga bey, parang lumalabas ang utak  ko sa tainga ko. Iba talaga ang Eto Rangers, Ghost Fighter, Dragon Ball Z, Voltez V, Daimos, SlamDunk (kahit ilang beses bintin sa GMA), Cooking Master Boy (kahit mukha silang nakadroga tuwing nakakatikim ng pagkaing niluto ni Mao) at Pokemon. Ang magagandang cartoons na lang ngayon ay yung mga Naruto, One-Piece, Bleach, Death Note at iba pa ngunit binase ito sa komiks o "manga" kung tawagin sa Japan kaya parang hindi ko ito maituturing na panlaban sa mga cartoons noon dahil hindi ito nilikha bilang kartoons kung hindi ay para pang-aliw sa mga nagbabasa ng komiks dahil mas ma-aksyon at para sa mga taong hindi nag-basa ng manga dahil walang mabibilan o kaya'y walang pambili. Iba talaga ang pakiramdam ko noong natalo ni Eugune ang isandaang porsyentong lakas ni Taguro kahit nagmukhang David and Goliath yung laban; Nalaglag ang mata ko noong binagsak ni Goku ang kanyang Energy Ball na isang linggo niyang inipon; Asar na asar ako noong isang buong episode sa Slam Dunk ang three point shoot ni Kogure; Unang kilig moment ko nung bata ako ay ang Richard at Erika moments; Tuwang tuwa ako tuwing sinisigaw nilang Lima ang "Let's Volt in" kahit hindi naman kailangan; Naiyak ako noong iniwan na ni Butterfree si Ash; at hinding hindi ko makakalimutan ang pag-titiis na panoorin ang mga patapos na tele-novela ,balita, o talk-show para lang maumpisahan ang mga kartoons na gusto ko panoorin tapos sasabayan ang mga hapones na intro song kahit wala akong maintindihan.


Nasaan na ba ako?
Sabi ko maiksi lang eh.. napahaba ako.. napasarap ang pag-alala ko ng mga kartoons. Nakaka-miss.. Muntik na kong maiyak kanina noong natapos ko yung Kapitan Sino ni Bob Ong.. Ang galing niya talaga. Apektado ako sa storya ng bida. Kung ano yung nararmdaman ng bida, parang yun din ang nararamdaman ko. Matutulog na ko.

Sunday, June 26, 2011

Sunday, June 20, 2011

7:16 pm: Isang linggo na akong nag-tatala dito sa aking blog. Kahit walang nagbabasa, tuloy padin ako paglalathala ng aking karanasan sa araw-araw. Matatapos na ang "Long Weekend" kaya't parang hindi nanaman ako handang bumalik bukas sa klase. Lunes na Lunes ay napakaganda ng oras ng mga klase namin. 3:00 pm hanggang 9:10 pm. Pang call-center ang oras, kulang na lang eh magdala kame ng kumot at unan. Papasok ka pa lang, masasalubong mo na yung mga pauwi. At kapag pauwi ka na, makakasabay mo sa LRT yung mga taong bababa ng Cubao at magigising na lang sa Santolan.

Nagpagupit ako kaninang hapon. Noong ako ay limang taong gulang pa lamang, ayaw na ayaw kong mag-papagupit dahil  para kang pinaparusahan sa kati na dulot ng mga buhok na nalalaglag sa batok mo at hindi mo pwedeng kamutin dahil baka maputol ang tainga mo. Hindi bagay sakin ang semi-kalbo dahil malaki ang ulo ko at nagmumukha akong microphone kaya't ayaw kong mag-pa kalbo. Para sana hindi ako parating nagpapagupit. Naranasan ko din pasanin ang buong Jupiter noong High School dahil sa prescribed hair-cut. Naiintindihan ko naman kung ayaw nila ng mahahabang buhok na studyante dahil mukha raw madumi kahit mukhang mas marumi ang bagong gupit dahil sa mga nag-kakalaglagang buhok PERO BAKIT KAILANGAN PANG 2X3 ANG BUHOK NAMIN? Babagsak ba kame sa Mathematics kung hindi kame mukhang Sundalo? Hindi ba namin makakabisado ang mga Theories ni Newton kung mahaba ang bangs namin? Hindi ba namin maiintindihan ang Noli Me Tangere kung may patilya kame? Doon ba nakasalalay ang kakayahan ng isang lalaki kapag nag-didiagram kame ng "sentence" sa English? Gusto ko mag-trabaho sa Opisina at hindi sa Airfroce at Navy! Pwede namang clean cut na lang sana! Puwede bang ipaliwanag niyo sa akin kung bakit gusto niyo ng ganoong gupit sa mga mag-aaral dahil hanggang ngayon ay wala akong maisip na magandang dahilan kung bakit yoon ang batas niyo. Hindi niyo ba alam na may Facebook (Pero Friendster pa nun) account kame at parati kameng naguupload ng pictures tapos pinag-mukha nyo lang kameng tanga!? Kaya nga iniwan ko na din ang Friendster account ko dahil ayaw ko ng makita ang mga larawan kong tabas ang gilid ng ulo ko.  Nilabas ko lahat ng galit ko sa kolehiyo at hindi ako nag-patabas ng buhok. Makikita mong makakapal ang buhok ko sa bawat litrato ko at pwede na ko sumama sa mga Alternative-Rock band. Pero naisip ko na minsan ay dapat mag-iba din ng looks. Malaking bagay ang pagbabago ng anyo ng buhok. Isipin mo yung mga kakilala mong hindi mo nakita ng tatlong taon tapos nakita mo ulit pero hindi pa rin nagbago ang anyo ng buhok niya, kahit pumiti o umitim, nagkaroon man ng salamin, pumayat o tumaba, pinatangos man yung ilong, nagpatanggal man ng adams apple, nagpalagay ng nunal, nagpalaki ng suso, o magpadagdag ng mata ay  parang sa tingin ng karamihan ay walang paring pag-babago.
Clean cut ako ngayon kaya presko ang pakiramdam. Naisip ko din habang ginugupitan ako ang aspekto ng  buhay. Iniisip ko ang mga nalalaglag kong buhok ay ang mga problema at ang mga nakaraan na dapat iwanan para harapin ang bagong hairstyle, magustuhan ko man o hindi. Pero laging tatandaan kung ayaw mo ang buhay mo, marami namang paraan para lumigaya ka tulad ng hair-gel at suklay. Wag kang apektado sa sasabihin sayo ng mga tao na pangit ang buhay mo dahil wala silang paki sa long hair mo!

Nasaan na ba ako?
Nakatulala sa mga regalong sobrang mahal na ipapalabas sa Rated K.. Mahal pa sa pagmamahalan ni Bash(Basch? ang hirap ispelengin) at Popoy. Parang ang pangit ng buhok ko tapos wala na ata akong Gel... 

Saturday, June 25, 2011

Saturday, June 25, 2011

8:15pm: Alas Diyes na ko nagising kanina dahil ang sarap ng tulog ko. Pag-sabayin ba naman ang T-Ice at ang malamig na panahon, tulog mantika tuloy. Wala akong ginawa masyado ngayon pero baka umalis ako ngayong gabi. Pumunta ako kanina sa gym para magamit ko naman ang "Calcium" ng buto ko at para mapalaki ko ang aking "Gluteus Maximus" kahit malaki na. At dahil hinihiling ng aking mga kamag-aral ang pag lalarawan ko sa aming mga guro, ito na at gagawin ko na. Marahil lahat naman tayo ay dumaan sa madaming mga guro at doon mo makikita na lahat sila ay may iba-ibang angking talento sa pagbibigay ng perwisyo sa atin. Hayaan niyo ko ihayag ang aking opinyon sa aming mga guro. Hindi k na ilalagay ang kanilang pangalan at baka ipahuli nila ako sa FBI at pakainin lang ako doon ng paru-paro.(BABALA: maaring may laman na mga salita na hindi angkop sa mga batang nagbabasa, paki takpan na lang ang kanilang taynga)


Economics- Magaling naman siya at kabisado na niya yung nasa presentation nya. Kahit wala ng Power Point ay maiintindihan ko na ang tinuturo niya sapagkat para siyang nag-popromote lagi ng produkto. Lagi kong hinihintay na sabihin niya sa huli "Bili na po kau. 100 pesos LANG SIR". Marami lang ang naasar sa kanya dahil tinakot niya kame nung unang araw namin. Mag-dadrop daw siya ng limang studyante dahil yung ang batas niya. Maraming natakot at gusto ng balyahin ng kaklase ko yung guro namin. Napansin ko naman na nagbibiro lang siya dahil sabi ng mga nakatatandang mga alumni, mabait daw siya.

Research Project Proposal - Guro namin dito ang head ng aming departamento kaya inaasahan kong magaling siya magturo at magaling din siya mag-patawa ng jokes lalo na yung mga bastos. Hindi matatapos ang subject ng walang nasasambit na green jokes na dahilan din ng hindi ko pagtulog sa oras niya.

E-Commerce - minaliit ko itong guro na ito dahil wala sa itsura niya ang ganoong maraming alam. Magaling siya, yun lang ang masasabi ko.

Political Science - Maraming sabi sabi na ang guro namin dito ay nangbabagsak ng kalahating klase ngunit wala din sa itsura niya. Kailangan naming mag ingat dito. Siya yung mga tipong nasa pelikula na mababait pero  nagiging bakulaw pag dating sa grades.

Negotiable Instruments - binanggit ko naito noong nakaraang post ko pero sige uulitin ko para sa mga hindi nakpagbasa. Sa pelikula, isa siya sa mga babae ni James Bond. Lahat ng hinihiling ng isang normal na lalake sa babae ay na sa kanya niya kung magbabase sa panglabas na anyo. Ngunit may bagsik ng sampung Dragon, Kamandag ng 50 na ahas, at tapang ng tatlong daan na Spartans. Kapag-nakasiping mo siya ng isang beses sa gabi, wag ka ng umasa na gigising ka pa.

System Analysis and Design - Siya parin ang isa sa dahilan ng migraine ko. Makulit pa sa sa mga matatandang nasa Home for the Aged, mas marami pang pinapagawa sa isang pinuno ng komunistang gobyerno, at kaya niyang sumulat ng hieroglyphics na isa naming problema dahil yan lang ang lenguaheng kaya niyang isulat. Kaya Problemadong problemado ako dahil ito rin ang pinakamahirap kong subject.

Wireless Apps - Siya parin ang nakakatuwang guro namin last sem. Wala naman masyadong kaiinisan sa kanya.

Philippine Literature - Ito ang pinakamatindi sa lahat. Kung bagong kumpil ka, wag ka muna magklase dahil baka lumuha ang taynga mo ng dugo. Kapag may studyanteng buntis, makukunan yun agad. Bawal ang mahina ang puso sa klase niya at kung mahina ang puso mo, lumipat ka na ng ibang klase at baka hindi ka pa makagraduate. Mukhang naiintriga ka na tungkol sa kanya. Bading siya pero hindi yun ang problema ko. Ang laking problema ko na puro tungkol sa "sex" ang parati niyang halimbawa at analogy. Kinakabahan ako sa klase niya dahil baka magsabog siya ng sleeping grenade at bigla na lang kameng magising ng walang suot at nakatali. Madalas ko pa hindi maintindihan ang lesson niya dahil wala pa siyang halimbawang binibigay tungkol sa Philippine Literature. Hindi nga siya nagtatagalog eh. Bakit kaya? Philippine Literature, dapat tagalog ang lenguaheng gagamitin sa pagtuturo. AY WAG NA PALA! kung tagalog ang magiging lenguahe niya, baka isuka ko na ang puso at balumbalunan ko kapag narinig ko ang mga "Sex" terms sa tagalog!. Mas malala yun.


Nasaan na ba ako?
 Kumakalma lang. Apektado ako kahit sa pagsusulat.. Naririnig ko na ang mga kuliglig, isang senyales na hindi na uulan. Pwede na kong lumabas ng walang dalang payong. Naniniwala akong hindi pa tapos ang bagyo dahil mayroon pa yang dadating. G ang susunog na titik. Anu kaya ang pangalan ng susunod na bagyo? Gusto ko Godzilla para nakakatakot. O kaya Garapon para nakakatawa. O kaya Gorgeous.. o diba? pangalan pa lang ang ganda na tapos mabagsik pala. Parang guro lang namin sa Law.

Friday, June 24, 2011

Friday, June 24, 2011

10:52 PM: Isang bagay lang naman ang kinaiinisan ko ngayong araw. Walong oras na lang sana ang nalalabi para sa aking OJT na dapat tapos na ngayon ngunit dahil kay Falcon, babalik pa ako sa Makati sa susunod na linggo. Kating kati na kong matapos ang lahat pero dahil sa biglaang pag-bagsak ng malakas na kapangyarihan ni Falcon, buong araw akong nakatunga-nga dito sa aming tirahan. Isang magandang bagay na naidulot ni Falcon ay wala kaming pasok bukas. Maluha luha na ko kanina dahil ang hirap ng pinag-aaralan ko sa "Negotiable Instruments" (Law02) at wala akong maintindihan. Para bang nagbabasa ako ng mga Papyrus dahil hindi wala akong maintindihan. Napag-bulay bulay ko na malalason na ako sa mga  kamandag ng bulaklak nng aming guro ngunit ng buksan ko ang aking Facebook, lumutang sa baha ang post na dinumog ng likes ng kung sinu-sino na para bang Artista na may bagong scandal. Dito nakasulat ang mga salitang "No classess tomorrow announced by abcdefghijk due to ewan ko na ang kung ang susunod basta magandang balita". Ang sarap ng pakirmadam. Dinaig ko pa ang lalaking sinagot ng babaeng nililigawan niya ng limang taon. Dinaig ko pa ang taong grasang nanalo sa lahat ng kategorya ng lotto sa isang araw. Dinaig ko pa si "Nemo"" nung nakita niya ang Tatay niya.  Nakalusot din sa aming "Law" kung saan mayroon kaming guro na may kakayahang mag-iwan ng mga bulaklak sa kanyang nilalakaran dahil sa taglay niyang kagandahan at may kakayahan din siyang puluputin kami ng mahahabang tangkay ng rosas dahil sa taglay niyang katarayan. Nakakaramdam ako ng pahirap sa susunod na sabado. Pwede siyang lumaban sa Beauty Pageant tapos ang talent niya ay papatay siya ng Limang Buhay na Dragon. Garantisado! makukuha niya ang korona.

Dahil bugnot buong araw, bumili ako ng dalawang bote ng Tanduay Ice mula sa pinakamalapit na suking tindahan para maibsan ang hirap na naiisip ko. Pati nanay ko naiinip at hindi pa makatulog kaya pinagtiyatiyagaan niya ang Myx palibhasa kasi puro luma at mellow songs ang tinutugtog pero ayos lang na makinig siya ng mga tugtog na may kabuluhan kaysa naman sa mga rap ni "Gagong Rapper". Wala tuloy akong maitala, kaya bukas nalang siguro. IInom na ko.

Nasaan na ba ako?
Maraming bawal sa mundo: Bawal ang mababait na politiko, Bawal ang hindi Corrupt ng politiko, at bawal ang pinoy ng parating sumusunod sa batas. Ngayon bakit nga ba masarap ang bawal? Dito ka na lang at mag-basa ng blog ko. Sa sobrang sarap, akala mo bawal. May sarcastic flavor at refreshing. Tapos mayroong kick nahindi mo ma explain. Iinom na nga ako....

Thursday, June 23, 2011

Thursday, June 23, 2011

7:30 pm: Sa ngayon, sobrang lakas ng ulan. Sabi ko naman sa inyo ay wag niyong painumin ng maraming tubig at kape si San Pedro. Ayan! bumaha tuloy! Ambon lang kaninang umaga pagkatapos ngayon ay baha na ang ilang parte ng Metro Manila. Basang basa ang medyas ko pag-uwi ko kanina dahil may maliit ata na butas sa sapatos ko. Grabe! kating kati na ang paa ko. Iniisip ko yung piesta ng San Juan bukas at mukhang hindi na nila kailangan magbuhos ng tubig bukas. Wala din akong pasok bukas dahil araw ng Maynila kaya itutuon ko ang panahon ko sa pagtatapos ng Praktikum ko bukas. Sana wag umulan ng malakas bukas para matapos ko na. Kanina sa LRT (hindi line 1 ha) habang nagbabasa ako ng Kapitan Sino by "Bob Ong", may isang dilag na humuli sa aking pansin. Tumugtog ang "True" ng Spandeu Ballet ng tumutok ang mapupungay kong mata sa kanya.

I bought a ticket to the world,
But now I've come back again.
Why do I find it hard to write the next line?
When I want the truth to be said.......

Ah Ah Ah Ah Ah
I know this much is true.
Ah Ah Ah Ah Ah
I know this much is true.

Hindi naman siya kasing ganda ng mga artistang  nasa Kalendaryo ng Tanduay pero hindi rin siya kasing panget ng mga matatandang-dalagang terror na "professor" niyo. Simple lang siya, hindi ko alam kung ano ang meron sa kanya at nabighani ako ng panandalian. Isang beses nahuli niya akong nakatingin sa kanya at bigla akong sumilip sa bintana sa likod niya kunyari nakita ko si Superman na lumilipad sa kalangitan. Naramdaman kong biglang namula mukha ko dahil napahiya din ako ng bahagya.Pag-baba namin dahil pareho kameng sa Legarda bababa, bigla siyang lumapit sakin at sabay humalik sa pisngi ko pero yun nga lang, pangarap ko lang yun. Bigla na lang siya nawala at sana makita ko siya ulit. Pag-ibig na ba itong nararamdaman ko? Sumabog ba bigla ang aking Hypothalamus gland at biglang lumutang ang mga emosyon ko? AHH LETSE!! Hindi naman ako tanga para umibig ng hindi ko pa nakikilala. Siguro ay pag-hanga lang ang ipinakita ko. Napakababaw ko naman para mag-mahal ng hindi ko kilala. Sa mga love story, dun nag-sisimula ang lahat hanggang sa umabot ang tamang oras na mahulog ang libro niya at pupulutin mo, biglang pumreno ang LRT at na "out-of-balance" siya tapos nasalo mo, tatanungin ka niya dahil interisado siya sa binabasa mo, at hanggang sa mag-mukha ka ng tanga at inutil sa kakaisip sa lahat ng pwedeng mangyari para magkakilala kayo kagaya ko.

Maraming dapat gawin na nauukol sa pag-aaral ko kaya ayaw ko na muna isipin ang pag-ibig. Na-suspend ang klase kaninang 4. Eh ang klase naman namin ay mula 10:30 am hanggang 4:30 pm kaya wala ring silbi! Para kaming nakakuha ng free ticket sa DisneyLand na may nakalagay sa baba "Promo until June 23, 2005". Hinihiling ng isa kong kamag-aral na ilarawan ko ang aming mga professor dahil natatawa daw siya kapag nilalarawan ko sila. Siguro gagawin ko yun sa Sabado na dahil abala pa ko sa ibang bagay kaya't sa susunod ko na lang gagawin. 


Nasaan na ba ako?
Ayos lang ang lagay. Kahit papaano ay lumalabas parin ang imahe ng babaeng nakita ko kanina sa utak ko. Manonood muna ako at magpapahinga.  

Ah Ah Ah Ah Ah
I know this much is true.

Wednesday, June 22, 2011

Wednesday, June 22, 2011

11:19 PM. Ganito ang kadalasang gusto kong panahon. Mag-isa lang ako sa computer at umuulan. Kulang na lang hot chocolate para sumarap ang pakiramdam ko yun nga lang tinatamad na ko mag timpla kasi pagod na din ako. Sa Ayala ako nag-papraktikum (OJT) at sinisingit ko ito sa umaga upang mabuo ang aking tatlong daang oras na pag-tatrabaho na nagsisilbing "requirement". Kung mangagaling ng Antipolo, wala akong magagawa kung hindi sumakay sa napakamahal na fx. Nitong bakasyon naranasan kong mag-fx papasok at pauwi. Sa hindi ko malamang kadahilanan at ewan ko rin kung nararanasan ito ng iba, palaging sumasakit ang puwitan ko sa fx. Hindi ko alam kung bakit. Yung sakit na nakukuha kapag nangangalay. Hindi ko alam kung dahil ba nagsisikiskan kame lage o baka dahil pag-kakagawa ng upuan. Naranasan ko pa ng may katabing mataba mula Antipolo hanggang Ayala. 2 oras kong pinigilan ang sirkulasyon ng dugo ko at nagawa kong hindi huminga na may kasama pang pag-titiis sa kirot na nadarama ng aking puwet na mas masakit pa sa sakit na naidudulot ng pag-ibig. Kaya minsan mas gusto ko na lang sumakay sa jeep. Kahit mainit, mas komportable ako. Matapos ang ang aking half-day, kailangan ko pang pumunta sa Beda dahil may klase pa ko ng 3-4 at 3 subject sa 6-9. Oh diba? 8 am to 9 pm ako nagpapakamatay sa pagod. Partida wala pang Enervon at Cobra yan. Kaya siguro hindi ako "happy" at palagi akong talo. Kalalabas ko lang sa building at malakas at masarap na hangin ang sumalubong sakin. Napa-Wow na lang ako at amoy probinsya yung hangin, hindi ko alam kung bakit. Sa sobrang lakas ng hangin, siguradong mapapa "HAACHOO!" lahat ng tao kapag nagsabog ka ng pamintang durog. Siyempre sumakay ako sa LRT 1 kung saan lahat ng tao ay napakagalang at mababait. Sa LRT 1 kung saan lahat ng sasakay ay hindi muna pinapababa ang mga pasaherong bababa. Sa LRT 1 kung saan ang mga tao ay hindi marunong gumamit ng salitang "paraan"at "excuse me". Sa LRT 1 kung saan lahat ng klase ng putok ay maamoy mo. Oo! dito mo maeexperience ang lahat ng flavors ng putok at mas malupet kung may four seasons pa. Kaya nga dumadaan yung riles sa Philippine General Hospital kasi baka bigla na lang dumilim ang paningin mo sabay ng pag-kawala ng wallet mo kasi nga nahimatay ka. Pero kung kakayanin mo naman indahin ang amoy ng kakaibang fruit salad, makakarating ka naman sa paroroonan mo yun nga lang pagka baba mo, susuka ka muna bago ka magkaroon ng malay ulit. Ang saya talaga sa LRT 1! ang daming features! parang Samsung Galaxy.

Pag-uwi ko kanina galing Maynila, Napapangiti ako sa mga tinutogtog nung jeep. Nagsimula muna sa mga kantang nireremix ng mga pinoy rapper na hindi ko kilala at isang dahilan na din kung bakit namumuti na ang buhok ko. Pag-katapos ng mala-parusang rap, bumanat ng dalawang magkasunod na tugtugin ng Westlife. My love at Queen of my heart. Wow! hindi lang jologs si manong, baduy pa. Pero para sakin ok na ang baduy dahil naalala ko ang aking kabataan sa Westlife. WOW! kabataan!! tumatanda na atah ako dahil natututunan ko ng alalahanin ang pagkabata ko. Sumunod sa mga kantang yun, hulaan niyo. Sige isang malupet na hula lang. Siret na? Bigyan kita ng clue. Yung kumanta, Key siya sa keyboard. banda taas. Sa taas ng Keys ng "4","5", at "6". Sigurado naman ako na nahulaan mo na, Siyempre baduy ka din eh. Meteor Rain pa yung kanta. Naks!! naalala ko pa. Akala ko kasi puro Lady Gaga na lang pinapatugtog sa jeep ngayon. May mga jeep pa rin pa lang gumagamit ng radyo na may frequency nitong early 2000s.


Nasaan na ba ako?
Hindi pa ko gumagawa ng takdang aralin ko. Ang haba pa naman. Masyado akong naaliw sa jeep ni manong.   Mukhang na LSS pa ako sa Meteor Rain.

Tuesday, June 21, 2011

Tuesday, June 21, 2011

9:17pm: Masaya naman ako sa mga nangyari ngayong araw dahil naging ok naman ang mga ginawa naming takdang aralin na akala ko madaming mali. Kaunti lang pala.Kanina rin ay bumili kami ng libro sa Katipunan dahil doon nalang daw mayroong "stock" para sa aking Economics subject at biglaan pa. Buti na lang may dala akong sobrang pera at alas otso na ko nakauwi dahil traffic at ala sais na kame umalis dun dahil kumain pa kame(salamat nga pala kay Kit Villa para sa burger mcdo meal) . Ang hirap pala sumakay doon kapag rush hour. Makikita mong nagsisikuhan ang mga tao sa pags-sakay sa mga jeepney.Kung pauwi ka galing Katipunan, kailangan mag warm up ka muna para mayroong kang lakas sa pa-tulak at pagsuntok sa mga kapwa pasahero. Magdala ka na din First Aid Kit kasi baka gumanti sila kahit sila yung may kasalanan. Traffic pauwi dahil "Rush-Hour" at sinabayan pa nung ginagawang kalsada sa Marcos-Hi way at Ligaya. Umuulan pa kaya may tarapal, giniginaw ako sa sobrang init. Ang saya! Ewan ko kung bakit hindi parin ako pumapayat kahit araw araw tumatagaktak ang pawis ko pauwi. Anak ng Motorista!

Sa dami ng mapapansin ko(dahil trapik), e napuna ko agad yung malaking mala-rehas na bakod na nasa gitna ng kalsada. Ito ang nagsisilbing harang para sa mga taong tumatawid kahit mayroon namang footbridge. Baket  kaya kailangan pang-maglagay ng rehas para wag tumawid ang mga pilipinong makakapal ang mukha? bakit kailangan pang maglagay ng "Bawal tumawid, nakamamatay" o kaya naman "Bawal tumawid, may namatay na"?. Kailangan pa tayong daanin sa santong paspasan para lang sa isang bagay na para sa ating kapakanan din naman.Tapos lagi kayong magrereklamo na hindi umuunlad ang pilipinas. Nakakainit ng dugo. Anong panakot naman kaya ang susunod na gagawin ng MMDA? Siguro maglalagay na sila ng bangkay na nasagasaan kahit lapirot na tapos isasabit doon sa rehas at may nakalagay "Bawal tumawid, may namatay na. Kung ayaw niyo matulad sa inutil na naka sabit dito, HUWAG KANG TATAWID P@#$* INA!". Wag naman na sanang umabot sa ganoon. Napupunta ang mga buwis na binabayaran niyo sa sa pag-gawa ng tawiran(Footbridge). Nakakaasar din ang mga motoristang hindi tumitigil pag may tumatawid sa pedestrian lane. Hindi ba nila alam ang batas doon?? Kapag umapak na ang tatawid sa linya, dapat kailangan nilang bagalan ang kanilang pagmamaneho o kaya nama'y dapat silang tumigil. Siguro naman kita nila ang nakakasilaw na puting linya sa kalsada. Hindi naman "grey" yun para hindi nila makita. Marami pang kalokohan ang mga motorista ng pilipinas lalo na ang mga jeepneys pero ayaw ko na ilahad lahat at baka sumakit lang ang ulo ko at may mabalitaan ka kayong massacre na ako ang suspect. Ganyan ang Pilipinas kaya hindi umuunlad. Ang mga namamahala at ang mga tao ay puro kawalang hiyaan ang ginagawa. Kung ang motorista at ang mga tao sa kalsada ay walang disciplina, E baka nasa Pilipinas ka. Araw araw, may car accident o kaya naman ay may nasasagasaan. Parang Pilipinas. Araw araw may corrupt at may nakawan, patayan, gahasa, droga, lahat na nasa atin.


Nasaan na ba ako?
Nag-iisip parin kung uunlad pa ang Pilipinas. Malamang hindi na. Pauunlarin ko na lang sarili ko. Kapag sa tingin mo umunlad ang Pilipinas, baka Government official ka na at nalilimutan mo lang na senador ka dahil abala ka sa pagbibilang ng mga nakurakot mo at pag-iisip kung saan gigimick mamaya.

Monday, June 20, 2011

Monday, June 20, 2011

11:49 PM. Buti na lang umabot pa ako. Muntik ko nang hindi malagyan ang aking talaarawan. Kasalukyan akong nanood ng "Wrestling". John Cena vs. R-Truth. Kapag sinasabi kong nanood ako ng WWE, lagi na lang nilang binabanat sakin "Hindi naman totoo yun diba?". Ginagawa mo ba kong tanga?? alam kong nasa script lahat ng galaw nila. Pero bakit nanatali pa rin akong manonood? E ang mga pelikulang pinapanood mo, "HINDI NAMAN TOTOO YUN AH??". Ganoon na lang ang dahilan ko kung bakit ako nanood. Bata pa lamang ako ay sumusbaybay na ko sa wrestling. Nakagawian ko na kasi at sa di ko malamang dahilan, naaliw pa rin naman ako. Huwag niyo na lamang himasukin ang aking mga hilig kaysa naman gumamit ako ng illegal na droga.

Wala namang nangyaring kakaiba sa akin ngayong araw. Wala namang pasok kaya inasikaso ko ang mga dapat gawin lalo na yung mga konektado sa pag-aaral ko kahit labag sa aking kalooban dahil malamig at nakakatamad kumilos. Kailangan kasi eh, para di ako maghirap. Mabuti ng maghirap ako ng Dalawampung taon kaysa mahirapan ako ng labinlimang taon o mahigit pa.

Nasaan na ba ako?
Matutulog na. Tinatamad paring kumilos. Nanalo si John Cena. Tinulungan siya nung bata.

Saturday, June 18, 2011

Sunday , June 19, 2011

Ngayong ang ika-150th anibersaryo ng ating pinakamamahal na bayani na si Dr. José Protasio Rizal Mercado y Alonzo Realonda kasabay ng kaarawan din ng aking ama at siyempre ngayon din ang araw ng ating mga Padre de pamilya. Malakas ang ulan dahil mayroon daw bagyo pero ngayon ay mukhang tumigil ang buhos. Mukhang tapos na umihi si San Pedro. Bakit kaya ganoon ang naisip ng mga pilipino? Ang mga pilipino talaga basta na lang makapag-isip at makapag-gawa ng kuwento. Wag niyo pala dapait painumin ng maraming kape o Tubig si San Pedro kasi baka bumaha. E ano yung "acid rain"? baka may UTI si San Pedro noong mga panahong yoon.

1:56 pm. Natapos ko na ang aking mga Takdang Aralin at masaya ako na hindi ako tinamad at sinapian ng "Manyana Habit". Sana magtuloy-tuloy na at hindi ako maging "Ningas Kugon". Wow! mukhang nabanggit ko na ang dumi ng mga Pilipino.  Walang pasok bukas pati na din  ang mga empleyado dahil idineklara ni P-Noy ito bilang pag-pugay sa ating Pambansang Bayani. Pahinga sa ibang tao, at sa iba hindi siyempre kasama ako dun. Kailangan kong aralin ang mga ginawa kong takdang aralin dahil kung hindi ay matutulad ito sa mga Sedula nila Bonficio dati at pasasabugin na parang confetti sa Victory Parade ni Manny Pacquiao. Sabi nila madali daw maging fourth year, Hindi pala. Inaasahan ko na dito ang mga pananakot ng mga guro tulad ng "Sige huwag niyong gawin yang seatwork na yan para hindi kayo makagraduate". Noong High School ay puro ganyan ang sambit ng aking mga guro na may kasama pang sabog ng laway tuwing nagagalit samin. Nahalintulad ko sila sa mga nakakatanda na nananakot lagi pag may ginagawa kang ayaw nila."Huwag kang pupunta jan, may mumu jan!!". LECHE!!! akala naman nila natatakot ako.. Hindi pa ko nakakakita ng multo. Sana makakakita ako kahit isang beses lang bago ako mamatay kung totoo nga ba sila. Kahit tumaas yung buong balahibo ko at magmukha akong lobo, kahit maihi ako sa sobrang takot, kahit sumabog yung lalamunan ko kakasigaw, at kahit magkahika ako sa layo ng tatakbuhin ko palayo.

Nasaan na ba ako? 
Naandtio lang ako sa bahay. Ang utak ko ay lumilipad na parang lawin at kung saan saan na napupunta. Nasa  
"maduming " lugar ata. 


Saturday, June 18 , 2011..

Ako si Kevin Oliveros. Isang mag-aaral. Isang taon na lamang ay makakapagtapos na ako ng "B.S. Information and Communactions Technology" sa San Beda College.

Ginawa ko itong "blog" na ito bilang aking talaarawan o "diary" sa ingles. Dito ko ilalahad lahat ng nangyari sakin sa araw-araw at ilalahad ko ito sa wikang Filipino (tagalog). Gusto ko hasain ang sarili ko sa tuwid na pag-salita ng Filipino sapagkat napapansin ko na nagiging balbal o makalat na tayo sa pag-salita at pagsulat sa sarili nating wika at marahil napapansin na din ito ng nakakarami. Pinagtatawanan natin ang ibang Pilipino kapag mali ang pagbigkas o paglalahad nila gamit ang wikang ingles pero hindi natin napupuna na tayo ay madalas magkamali pero hindi na napapnsin dahil "TAYO" mismo ay balbal magsalita. Tama, kasama ako.

Ilalahad ko dito ang mga pangyayari sa aking buhay bawat araw (kung kaya ko) gamit ang makukulay kong salita. Bukas ko na Sisimulan ang una kong taalarawan kasabay ng pag-pugay sa ika-150th anibersaryo ng ating pambansang bayani at aking hinahangaan na si Jose Rizal. Magandang Gabi sa inyo.