Thursday, March 29, 2012

Para sa 4-BIT

Tulad ng ibang manunulat at iba pang batikang mga tao, hindi ko alam kung paano uumpisahan ang talang ito. Nandito ako ngayon nakaupo sa harap ng laptop at gumagawa ng collage para sa mga blockmates. Hindi ko lubos maisip na ito na pala yung sinasabi nilang pakiramdam ng gagraduate. Yung pakiramdam na tapos na lahat ng pag-hihirap mo, papasok na lang para sa clearance, magpapraktis para sa graduation, at aabangan ang araw ng pag-akyat mo sa entablado. Ang hirap talaga magsimula kasi hindi ako makapagtype ng maayos dahil pahid ako ng pahid sa mga luha ko.

Naalala ko parin ang unang araw ko sa Beda. Tulad ng ibang tao, mahirap talaga makalimutan ang mga "UNA" o sa ingles, mga "FIRST". First Kiss, First love, First shot, First crush, at First Time(hindi ko na lang sasabihin kung ano yung "time" na yun basta hindi pa ko nakakaranas nun at sigurado naman ako na naglalaro na sa isipan niyo yun). Seryoso pa ang lahat at akala mo lahat ay bagong kumpil. Sa naalala ko, lumakas ang bonding ng klase dahil sa mga FIRST ASSIGNMENTS AT QUIZZES ng mga subjects lalo na s Algebra. Noong una Algebra lang pero hindi tumagal at nadagdagan ng limang kapal na layer ng epidermis ang mga mukha ng lahat at biglang nagkakapareho na ang mga quiz grades kada hanay. Sabi ng Nanay ko nagdedevelop daw ang sungay ng mga college students sa simula ng second sem pero natawa na lang ako after 3 weeks, may mga nicknames na ang mga nakakainis na professors. Masaya ang klase, hindi ko ramdam na nasa College na ko. 

Second year nagumpisa na ang mga asaran. Nakakatwang isipin na wala pang nagsapakan sa atin dahil sa pang-aasar eh sagad sa testosterone ang mga banat. Ito yung mga panahong sanay ka na kapag lahat ng mga nasa likod mo nung exams ay kapareho mo na ng grade. Hindi pa mahirap itong panahong ito kasi minor subjects lang ang inaalala natin tulad ng mga math subjects. Ito rin yung mga panahong nag-aksaya tayo ng panahon sa Lab A dahil #include<iostream.h> lang ang natutunan ko sa C++. 

Pumasok bigla ang hardcore na taon. Kumbaga sa Wrestling, Hell in Cell o kaya Extreme Rules ang labanan. Nagmistulang Sesame Street ang mga videos ni Sasha Grey at nagmukhang Teletubbies ang Human Centipede sa sobrang harcore na taon na ito. Well naging Harcore lang naman siya dahil sa SAD 01, Obli at ADSTAT pero pakiramdam ko e nabigla lang tayong lahat. Naalala ko yung mga panahong napapa-aral ako sa LRT kahit labag sa looban ko. Yung pakiramdam na hindi ka pa natatawag sa recitation tapos todo aral kahit puyat at hindi mo maintindihan. Sa SAD 01 kuminang ang mga dakilang "runners". Pinanganak ng may malalakas na tuhod upang malampasan ang hirap sa pag-baba at akyat ng hagdan, may AUV protection sa balat upang hindi tablan ng maiinit na araw, at Malakas na Respiratory System para tumagal sa trabaho. Hawak ang kani-kanilang dakilang "EXCALIBUR", sila ang mga under-rated na bayani ng bawat SAD at RPP/RPD group. Noong mga panahong ito, nakaksabay ko ang mga kaklase ko nung high-school at madalas nilang sinasabi kapag nagkukwentuhan kami "Ang boring na nga ngayon eh, kasi seryoso na lahat at wala ng biruan". Nalungkot nga ako para sa kanya kasi sa atin, tawanan lang kapag lowest sa quiz. Yung tipong kahit hirap na hirap na tayo sa pag-gawa ng System eh tawanan parin kase palpak yung program, kadarating lang sa room tapos bibigyan agad ng USB, at kung ano-ano pang bagay na hindi dapat tawanan pero tinatawanan parin.

Dumating ang pang-apat at huling taon ngunit nananalangin parin ang karamihan na sana ito na nga ang huli. Bigyan ka ba namn ng SAD 02 at PolSci, sino ang matutuwa? Magkasabay pa ng araw yung schedule. Pagkatapos ka pagtripan sa RPP at pahirapan sa SAD 02, susundan naman ng nakakakilabot na Political Science. Mas pipiliin mo pang sagutin ang telepono makalipas ang pitong araw matapos mo mapanood ang isang video tape. Mararamdaman mo talaga ang stress at pagod at hinding hindi makakalimutan ng bawat isa. Dumating ang second semester na parang bala ng baril at hindi na natin namalayan na eto na pala, ilang araw na lang graduation na.

First day ko ng college e hiling ko nun ay sana bumilis na lang ang panahon at graduation na, ayaw ko na magcollege. Hiniling ko pa na sana pag-gising ko graduation na pero tignan niyo ko ngayon, hindi ako makapinawala na papalapit na at parang ayaw ko pang magkahiwa-hiwalay na tayo. Maaring magkikita-kita pa tayo balang araw pero makukumpleto pa kaya? Ganun pa rin kaya ang ugali ng isa't isa? Ganoon pa rin kaya ang pakiramdam na parang mag-kaklase lang tayo sa Art App? Marahil masaya na din kayo kasi di niyo na makakasama yung mga kagalit niyo pero papayag ka na lang ba na matatapos ang taon ng galit pa kayo at dalhin niyo pa sa 20th reunion yung alitan niyo? Malungkot din yung iba kasi hindi na nila madalas makakasama yung mga kalapit niyo pero maalala mo pa kaya sila kapag nasa ibang bansa ka na?

Masaya ka na aalis ka na at gagraduate pero may magpapakopya pa kaya sayo ng program sa trabaho? Pwede mo parin kaya silang asarin ng below the belt ng hindi ka nasasapak? Pwede ka pa kayang humingi ng tulong sa ibang grupo kapag hindi mo na alam ang gagawin mo kasi deadline na ng project mo bukas? Meron pa kayang "class-fund" na pwedeng utangan? Ang daming tanong na pwedeng sagutin kung pipilosopohin mo pero kung didibdibin mo, mahirap magsalita.

Aaminin ko na hindi ako kuntento sa mga natutunan ko at pakiramdam ko ay kulang pa ang itinuro nila sakin pero hindi ko naman tinatanggi na naging masaya at makabuluhan ang pakikisama ko sa inyong lahat. Hindi ko nga alam kung ano ang naging kontribusyon ko sa klase bukod dun sa mga "kopya" moments na kadalasan hindi pa ko nag-papakopya. Siguro ang dahilan ko lang eh kasi yung iba lahat kinokopya, dun lang talaga ako naaasar. Pacenxa na sa mga taong nasaktan, naperwisyo, nasungitan, namura, nasigawan, nalait, naiwanan, napabayaan, nabackstabb(kahit hindi niyo alam) at kinadamutan. Katulad ng ibang tao, hindi naman ako perpekto ngunit ginagawan ko naman ng paraan para magbago na ko. 

Salamat sa mga taong tumulong sakin, nag-bigay payo, nagpasaya, nanlibre, sumuporta, sa mga nag-hatid sundo pag may lakad, sa mga nag-pakopya, nanlasing at lahat ng tulong na di maalala ng isip ko. Makakasiguro kayo na hindi ko kayo makakalimutan kahit pilit ko man kayo ay limutin. Maraming salamat sa inyo dahil pinatunayan niyo sakin na marami parin taong mapagkakatiwalaan sa madupang na mundo na kinabubuhayan natin. Malungkot man ako sa mga panahong ito at kahit pa sinasabayan ng luha ko ang pag-iisip ng makulay na salita, Masaya ako at sabay sabay tayong nakatapos. Maaring magkikita pa tayo sa ibang araw pero iba pa-rin yung mga panahong magkakasama tayong lahat.

Sabay-Sabay nating pinag-hirapan ang makatapos ng pag-aaral upang makamtan ang sari-sarili nating pangarap at lahat tayo ay naging matatag at tumanda. At ngayon na mag-tatapos ang ating responisbilidad bilang isang studyante upang tayo ay magkaroon naman ng mga bagong pangarap at hanapin ang hindi pa malamang hiling. Paalam sa inyo at inaasahan kong magkikita kita pa tayong lahat. Malamang ay lahat tayo ay magbabago kapag dumating ang araw na iyon pero hindi natin mababago ang mga panahong tayo ay nagkasama-sama. Pero sana, ang tunay na ikaw ay hindi magbago. Lahat ng ala-ala at mga pagsubok ay hinding hindi ko malilimutan dahil dito ito ang nagdala satin sa kinatatayuan natin ngayon at ito ang nag-hulma sa atin kung ano tayo ngayon. Ngayon, Papasok na tayo sa realidad ng walang pag-sisisi. Ulit, salamat sa inyo.. mahal na mahal ko kayo.


Tuesday, July 19, 2011

Tuesday, July 19 2011

11:42 PM: Dalawang gabi ako hindi nakapagtala. Noong linggo bukod sa tinamad ako, e wala kasing nangyaring kakaiba sa akin nug linggo dahil buong araw ay nakahiga lang ako at nagbabasa. Kahapon naman ay gabi na ko nakauwi at marami pa akong inasikasong gawain lalo na yung report ko sa Poitical Science na wala ring nangyari kanina kasi palpak daw ginawa namin. Malay ba namin kailangan detalyado e sa syllabus hindi naman nakalagay yun.Kapag nag-report ka sa kanya, kailangan lahat ilalahad mo. Kung ilalahad mo ang Storya ni Rizal, dapat kasama din ang talambuhay ng kanyang nanay, tatay, mga kapatid, at pati mga alalay. Ang biis ng araw at hindi ko akalain na miyerkules na pala bukas at ika-bente na ng Hulyo. Hinahatak na kame papalayo sa aming panahon ng kabataan at papalapit na kame sa mga kakailanganin namin sa bawat asignatura.

Nasaan na ba ako?
Kung naiiklian ka dito, magbasa ka na lang ng ibang artikulo muna dahil pagod ako...

Saturday, July 16, 2011

Saturday, July 16 2011

9:16 PM: Ang saya ng buhay ko kapag sabado ng gabi dahil ito lang ang araw sa isang linggo upang ako ay magpahinga at para gawin ko na rin ang kahit anong gusto ko pero hindi literal sapagkat hindi naman ako genie. Nilamon nanaman ng Law subject ko ang aking kalooban dahil para nanaman akong nasa purgatoryo kanina.

Mga ilang minuto lang ang nakalipas ay umulan dito sa amin. Hindi ko alam kung umulan din sa ibang lugar basta ako ay nabigla dahil walang senyales na uulan kanina pag-uwi ko. Mas maganda kung umulan para lumamig naman ang singaw at para masarap ang tulog ko mamaya. Hindi ako nasanay na matulog sa tanghali noong bata ako dahil gusto ko ay parating may ginagawa makabuluhan man o hindi kaya't kapag ako ay natulog sa gabi, kulang ang bosina ng trak para magising ako. Hanggang ngayon ay hindi ako natutulog sa tanghali maliban na lang kapag ako ay may sakit, kulang sa tulog, inlove para mapanaginipan ko yung...., at kapag wala na talagang gagawin. Hindi ko talaga hilig ang matulog at natutulog lang talaga ako kapag kailangan lang pero mas gusto kong magbasa ng mga artikulo, maglaro ng video games, makipagkwentuham, manood ng pelikula, at tumulala. Naasar pa ko sa mga sabi sabi noon na "Matulog ka para lumaki ka", kung totoo man ang nasabing paniniwala ay sana 3'3 lang ang height ko ngayon. Katamtaman lang naman ang tangkad ko; Hindi matangkad at hindi rin pandak. Siguro kung palagi akong mananaginip kada matutulog ako, siguro pwede ko itong gawing hobby.

Nasaan na ba ako?
Panonoorin ko ang pelikula ni Jackie Chan na Dragon's Forever maya maya lang. Hinihintay ko lang matapos ang tatay ko sa pinapanood niya.

Friday, July 15, 2011

Friday, July 15 2011

11:06PM: Kung may nagbabasa man nito, patawad na lang kung hindi ako nakapagtala kahapon dahil sumakit ang malaki kong ulo kahapon na kasing sakit ng karanasan ko sa huli kong pag-ibig. Masyaya naman ako kasi hindi natuloy ang mga pagsusulit namin kanina. Hindi naging mabigat ang araw ko ngayon kaya't eto ako ngayon at nagpapahinga lang kasabay ng pakikinig ng Loving you na binigyang buhay ni Nina. Nagkaroon ako kahapon ng kakaibang pakiramdam. Wala na akong pakialam kung pagtawanan niyo pa ako. Ganito kasi ang nangyari, kahapon bago matulog ay naginternet muna ako. Sa hindi ko malamang dahilan, mukhang nag-hanay ang walong planeta sa Solar System at nagdulot ito ng kakaibang pakiramdam na para bang may iniibig ako. Nakakaramdam ako ng kilig at para bang "in love" ako kahit hindi naman dapat dahil wala naman akong natitipuang babae sa ngayon. Gusto ko na nga sana magpatingin sa Albularyo o kaya naman sa mga taong tumatawag ng multo. Kakaiba! pakiramdam ko ako ay naging bida sa isang horror film na nagkagusto daw sa akin ang isang Tikbalang at kailangan ko makuha ang mahiwagang crystal na kulay "Pink" sa kaharian ng Macademya upang matanggal ang sumpa sa akin pero bago ako makarating doon ay kailangan ko muna harapin ang pitong pantas na nagdudulot ng salot sa buong baryo ng Mungalaw.
   Bago pa dumating ang imahinasyon ko sa ibang bagay na hindi kaaya-aya, hindi ko pa pala nakakaisado yung mga dapat kabisaduhin na Seksyon sa aming LAW02 subject. Magpapahinga lang ako at baka matulog na ko at gigising na lang ako ng maaga bukas..

Nasaan na ba ako?
Nagugutom ako at kailangan ko ng hamburger with egg. Gusto ko bumili sa labas pero pagod na ko at baka mahaba ang pila. Sarado na ang tindahan para bumili ako ng noodles. Haaay.. magpapakabusog na lang ako sa mga babasahin.

Wednesday, July 13, 2011

Wednesday, July 13 2011

11:26PM: Kakakain ko lang ng Cornetto Hazelnut Flavor at ibang lasap ang aking nadarama. Bakit pa kaya gumagamit ng illegal na droga ang ibang tao kung mayroon namang bagay na pwedeng pag-adikan na hindi ipinagbabawal? Pero sabi ng ibang kakilala ko ay kakaiba raw talaga ang tama ng mga yon pero Wag na lang! salamat na lang! ayaw ko sumubok.
Hindi lang naging maganda ang huling klase namin kanina dahil sa mga punyetang kaklase ko na hindi nakikinig at nangugulo ng ibang nakikinig. Nagalit tuloy ang prof ko sa Literature ng\a laging nagdidiscuss lagi ng "sex". Kakaiba siya kanina kasi parang gusto na niya idiscuss ay Sexual Violence! Hindi naman siya sumisigaw at bumubuga ng apoy pero nasindak din kami dahil nag-iba ang simoy sa loob ng silid.
Habang papauwi ako kanina ay nakasakay ako kanina sa "Formula One" na jeep. Sa sobrang bilis, pati mga ala-ala at kaluluwa ko ay naiwan sa Santolan. Nagmistulang Hangin ng aircon ang humahampas as mukha ko at parang hindi Diesel ang ginagamit na gasolina kung hindi ay High Octane. 10:14 pm ang oras noong umalis kame sa doon at nakarating na kame dito sa Antipolo ng 10:30 pm. Kung mababasa ko ang mga isip ng pasahero, siguro puro "Ama Namin" lang ang maririnig ko o kung hindi man ay baka puro mura. Ito yung mga tipo ng jeep na kapag hindi ka kumapit, sa amubulansya agad ang lipat mo. Ayos sakin ang mabilis na biyahe pero di ko naman pinagarap na makasakay sa mga sasakyan sa "Need for Speed" o "Burnout". Gusto pa niya yatang matalo ang record ni Schumacher. Hindi ba niya alam na kilala na ang Antipolo sa mga jeep na mabilis lang si The Flash ng 3 miles per hour?

Nasaan na ba ako?
Ang dami kong aasikasuhin. Buti na lang talaga at may Cornetto. Bukas babawi ako ng pahinga. Panonoorin ko ang 2nd part ng "Dollars Trilogy" ni Clint Eastwood.

Tuesday, July 12, 2011

Tuesday, July 12 2011

11:39PM: Nasaksihan ko nanaman ang isang ebidensiya na mas maganda talaga ang mga gawang pelikula noon at pinatunayan ito sakin ni Clint Eastwood sa pelikula niyang "A Fistfull of Dollars". Naaliw ako sa pelikula kaya late na ko dito. Kagabi ay hirap na hirap akong matulog. Hindi ko alam kung bakit. Wala naman akong ginawang kakaiba para hindi makatulog maliban na lang sa pag-bababasa ng mga lumang artikulo tungkol sa mga lumang pelikula at pag-sabi kung bagay ba o hindi ang mga damit ng mga kababaihan sa Tumb1r. Basta nahirapan akong makatulog kagabi. Ngayon, mukhang mauulit nanaman kasi nilantakan ko yung isang lata ng Century Tuna : Spicy Flaovor na binili ko kanina. Parang may naglalaban sina Human Torch, Itachi Uchiha, at isang Hungarian Horntail na dragon sa tiyan ko. Sana naman makatulog ako, siguro naman sapat na yung pagod ko kanina para bumagsak ako sa kama at isa pa nagkakahalo halo na ang "stress" ko sa mga prof ko.
Isa na lang sa nagpapatanggal ng stress ko ay ang panonood ng mga pelikula kaya halos mamuti ang buong buhok ng nanay ko sa bagal ng internet at hindi niya maani ang mga tanim niya sa Farmville dahil lagi akong nagdodownload (naka router kase) ng mga lumang pelikula na hindi mabibili sa suking tindahan ng DIBIDI at isa pa ay hinuhuli na sila ngayon kaya nasimot ang tindahan ng DIBIDI sa Quiapo. Kaso, yun ang akala nila! Hindi nila mapipigil ang pagtitindi nila ng DIBIDI dahil talamak din ang mga taong bumibili nito. Pangarap ko rin maging isang manunulat lalo na sa larangan ng "love story". Kung baket yun ang pumasok sa kokote ko eh hindi ko mawarian basta sabi sakin ng sarili ko, yung daw ang gusto ko. Aaminin kong tumatangkilik ako ng piratang DIBIDI kaya madalas kong isipin wag na lang pala akong magsulat.

Nasaan na ba ako?
Gumamit ng Great Fire Ball Jutsu si Itachi sa tiyan ko..

Monday, July 11, 2011

Monday, July 11, 2011

9:10 PM: Napahinga ako ngayon dahil wala kaming pasok. Ang sarap talaga sa pakiramdam kapag walang pasok tapos kasunod pa ng Linggo. "Long Weekend" nga kung tawagin. Nilaan ko lang ang araw na ito sa aking sarili at sa mga takdang aralin na nakakatamad gawin. Para sa akin, ginawa ang Takdang Aralin para sa mga guro na walang tiwala sa kanilang mga studyante kasi kung may tiwala sila sa atin, sasabihin na lang nila na magbasa tayo. Hindi ko lang kasi makuha ang silbi na kailangan pa isulat o iprint yung mga sagot sa tanong nila. Kasabay ng pagtype ko nito ay nakapatay pa ko ng lamok na may kasama pang dugo. Baka Dugo ko pa to. Panonoorin ko sana kanina ang "A Fistful of dollars" trilogy kanina ni Clint Eastwood pero pineste ako ng mga takdang aralin na walang silbi.
Nauso ang isang trend sa Twitter kanina na "in my pants". Mag-iisip ka ng pelikula tapos dudugtungan mo sa huli ng "in my pants" at kapag gumulong ka sa sahig kakatawa dahil sa naisip mo at nagmukha kang tanga, itweet mo lang. Dahil ako ay mahilig manood ng pelikula, ang dami kong naisip. Ang saya ko lang dahil natuwa ako sa mliit na bagay. Ito ang aking Twitter page kung gusto ko aksayahin ang oras niyo sakin gaya ng pagaksaya niyo sa pag-basa ng blog ko. http://twitter.com/#!/kevindieselmax.
Pumunta ako kanina sa gym para parusahan ang sarili ko sa pag-papalaki ng likod at pagpapatigas ng Triceps. Malamig ang panahon kaya naisipan kong magpapawis tutal wala namang saysay ang ginagawa ko kanina dito sa bahay.

Nasaan na ba ako?
Kapag walang pasok, walang silbi ang buhay ko.